200 medalya na target sa SEA Games, hindi imposible
- Bong Revilla
- Dec 6, 2019
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Matagumpay na nairaos ang pagbubukas ng 30th Southeast Asian Games sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan noong Sabado kung saan may tinatayang mahigit 50,000 atleta, opisyal, delegado at manonood ang dumalo.
Sadyang kakila-kilabot ang halos dalawang oras na seremonya nang nagtanghal sa mayaman at makulay na kultura ng Pilipinas at muling ipinakita ng bansa ang natatangi nating Filipino hospitality. Halos isang linggo na mula nang ganapin ang naturang pagbubukas ng paligsahan ngunit, hindi pa rin kumukupas ang mga usapan at kuwentuhan tungkol sa naganap na event. Mainit pa rin itong paksa at sa mga usap-usapan at maging sa social media, partikular sa Facebook at YouTube kung saan nagsulputang parang kabute ang mga “reaction video” ng mga kapwa Pinoy at dayuhan na iisa lang ang tema — punumpuno ng papuri.
Dahil dito, hindi maiiwasan na bigyang-pugay ang naging “foresight” ng Iglesia Ni Cristo sa pangunguna ng kanilang Tagapamahalang Pangkalahatan na si Kapatid na Eduardo V. Manalo, sa pagtatatag ng Ciudad de Victoria kung saan matatagpuan ang Philippine Arena, gayundin ang Philippine Sports Stadium at “The Garden”. Sinasabing magkakaroon din ng modernong 1,000-bed capacity na ospital sa naturang lugar. Naibandila natin na mayroon ang Pilipinas ng world-class facility na pinakamalaking indoor arena sa buong mundo.
Ito ay napakagandang halimbawa ng inisyatibo ng pribadong nilalang para sa kagandahan at kabutihan ng bayan. Sa pagsisikap ng INC, nakinabang ang buong bansa.
◘◘◘
Kaakibat ng itinatag ng INC na mga pasilidad, hindi naman nagpahuli ang pamahalaan sa pagtatayo at pagsasaayos ng sports facilities sa bansa, nangunguna na sa listahan ang Athletes’ Village at stadium sa New Clark City sa Tarlac. Napakaganda at modernung-moderno ang mga istruktura na nagdala pa ng mga luha ng kasiyahan sa mga atletang Pinoy na nakakita at nakagamit nito. Makikitang sa maayos na pagtutulungan ng pribadong sektor at ng pamahalaan, maraming magandang maipatutupad.
◘◘◘
Dahil d’yan at sa angking galing at talento ng mga Pinoy, naging world-class ang opening ceremony na inihalintulad pa ng iba sa mga seremonya sa Olympics. Rurok na ng pagkilala sa husay nito ang iginawad na award ng Sports Industry Awards Asia bilang pinakamagaling na opening ceremony sa kasaysayan ng SEA Games. Pasok pa ang Olympic Council of Asia, na dahil sa ganda ng pagdaraos ng 30th SEA Games ay iniudyok tayong mag-bid para mag-host ng Asian Games para sa 2030.
◘◘◘
At mula nang magbukas ang paligsahan, rumagasa na ang mga atletang Pinoy sa mga patimpalak. Kung sa nakalipas na SEA Games na ginanap noong 2017 ay nakapag-uwi tayo ng 24 na gintong medalya, sa unang araw pa lang ng bakbakan, humakot na ang Pilipinas ng 22 ginto na tuluy-tuloy namang nadaragdagan bawat araw na lumilipas.
Dapat nating palakpakan at i-appreciate ang kagalingan ng ating mga atleta na patuloy na nagbibigay-karangalan sa ating bansa. Sa kasalukuyang isinusulat natin ang kolum na ito, may 56 gold, 41 silver at 25 bronze o kabuuang 122 medalya na ang ‘Pinas. Sa progreso ng paghahakot natin ng mga medalya, hindi malayong masungkit natin ang ating target na mahigit 200 medalya sa kabuuan. #WeWinAsOne!
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments