Mas oks na ang advanced mag-isip kesa magsisihan sa huli

Maayos nating nalampasan ang pagdaan ng Bagyong Tisoy. Bagama’t, hindi ito kasinglakas ng inaasahan base na rin sa weather advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), gumawa pa rin tayo ng mga hakbang upang hindi mapinsala ang ilan nating mga kababayan kaya nagkaroon tayo ng evacuation sa Delpan at ilan pang mababang lugar sa Kamaynilaan.
Naging handa ang ating mga ahensiya kung sakaling lumakas man ang hagupit na sinasabi nilang super typhoon kaya nagpapasalamat tayo sa Panginoon na hindi naging ganu’n kalakas ang epekto nito sa lungsod.
Nalulungkot tayo at nakikiramay sa mga probinsiya na nasalanta ni ‘Tisoy’. Sana ay mabigyan sila ng sapat at kaukulang tulong mula sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya ng gobyerno.
◘◘◘
Nananawagan tayo sa ilan nating mga kababayan na mahilig magpakalat ng maling impormasyon o fake news kung saan nag-announced na suspendido raw ang klase sa high school at kolehiyo. Sa totoo lang, walang nagagawang mabuti ang ganyang asal.
Tayo ay sumusunod sa alituntunin ng Department of Education (DepEd) tungkol sa pagsuspinde ng klase kaya sana ay maintindihan ng ilang mga magulang lalung-lalo na ng mga estudyante na hindi ganu’n kasimple at kabilis mag-suspend.
Kung titingnan ninyo, nag-suspend tayo ng dalawang araw ngunit naging maayos naman ang panahon. Sayang naman ‘yung natutunan ninyo dapat sa paaralan. Totoong mahirap bumiyahe kapag umuulan pero kasama ito sa hirap na dinaranas ng mga estudyante mula pa noong araw. Hindi naman puwedeng umambon lang ay magkansela na agad tayo ng klase.





Comments