top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Hirit ng Kamara.. ABS-CBN, ‘di sure na mare-renew

  • Jeff Tumbado / Mylene Alfonso
  • Dec 5, 2019
  • 2 min read

Malabo nang maisasalang sa pagdinig ng komite sa Kamara ang mga naihaing panukala para sa renewal ng franchise ng ABS-CBN bago ang Christmas break ng Kongreso.

Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, alam naman ng ABS-CBN na uunahin ng Kamara ang budget at revenue bills.

Sinabi pa ni Cayetano na mahaba pa naman ang panahon ng Kongreso sa Enero hanggang Pebrero ng susunod na taon para aksiyunan ang ibang bills at Marso pa mag-e-expire ang franchise ng TV network.

Gayunman, hindi masabi ng Speaker kung mare-renew ang prangkisa ng ABS-CBN sa taong 2020 dahil depende umano ito sa kalalabasan ng mga pampublikong pagdinig.

Pero pagtitiyak nito, magiging patas ang Kongreso.

Iginagalang aniya ng Kamara ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga isyu at alam nilang nirerespeto rin naman ng Presidente ang proseso.

Una rito, sinabi ng Pangulo na huwag nang umasa ang ABS-CBN na mare-renew ang kanilang franchise dahil sisiguruhin niya umano na magtatapos na ito sa susunod na taon.

Nauna nang tiniyak ni Pangulong Duterte na mawawalan ng prangkisa sa susunod na taon ang television network na ABS-CBN kung saan nakatakdang mapaso ang kontrata nito sa March 2020 maliban na lamang kung aaprubahan ng Kongreso ang kanilang extension.

“Ang inyong franchise mag-end next year. If you are expecting na ma-renew ‘yan, I’m sorry. You’re out. I will see to it that you’re out,” sabi ni Pangulong Duterte sa oath-taking ng mga bagong talagang opisyal ng gobyerno sa Malacañang.

Matatandaang, noong April 2017, inakusahan ni Pangulong Duterte ang network ng hindi pag-ere sa kanyang political advertisements para sa 2016 Presidential campaign kahit umano’y bayad na.

Inulit ng Pangulo ang kanyang paratang nang unahin umano ng ABS-CBN ang pag-broadcast ng mga campaign ad ni dating Senador Antonio Trillanes IV kaysa sa iba.

“And you want us to bow down to your wealth and money and influence? Well, not with this administration. I am for the people and I will kill for the people,” dagdag pa niya.

Ang kasalukuyang franchise ng ABS-CBN ay naaprubahan sa pamamagitan ng Republic Act No. 7966 noong March 30, 1995 at nakatakda naman itong mag-expire sa March 30, 2020.

Sa sandaling hindi malagdaan bilang batas ang pagpapa-renew ng ABS-CBN ng prangkisa ay kakailanganin ng istasyon na ipasara ang lahat ng operasyon nito sa radyo at telebisyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page