Golden Boy Yulo, naka-5 silver pa; All- Pinoy sa women’s skate final

Winakasan ni Carlos Yulo ang kanyang kampanya sa 30th SEAG Artistic Gymnastics competition na may 2 ginto at 5 pilak. Nakuha ng Pinoy Gymnastics Wonder Boy ang tatlo pang pilak kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Nabitin si Yulo sa Horizontal Bar, Vault at Parallel Bars. Bago noon, nakuha niya ang ginto sa All-Around at Floor Exercise at ang pilak sa Steel Rings at Pommel Horse. Siya lang ang naka-medalya sa buong koponan ng Pilipinas na nagtapos ng pangalawa sa Malaysia sa pangkalahatan. May 4 na ginto, 1 pilak at 3 tanso ang Malaysia.
Samantala, hindi nabigo ang jam-packed home crowd sa laro ng alamat na si Efren “Bata” Reyes nang idemolis ang Thai sa 100-36 sa one carom cushion quarterfinals at pumasok siya sa semis sa Manila Hotel Tent City.
Nanalo pero nabitin pa rin ang Pilipinas na makapasok sa semis 30th SEAG Football tournament sa Biñan Football Stadium. Tinalo ng Young Azkals ang Timor Leste, 6-1, subalit hindi sila pinalad dahil naging sapat ang 3-1 na panalo ng Cambodia kontra Malaysia sa Rizal Memorial Stadium upang maagaw ang huling pwesto sa semis para sa Grupo A.
Bago noon, binomba ng Pilipinas ang Timor Leste sa likod ng mga goal nina kapitan Stephan Schrock, Mar Vincent Diano, Dylan de Bruycker at tatlo galing kay Amani Aguinaldo. Huling pumasok ang Pilipinas sa semifinals noong 1991 na ginawa rin sa Rizal Memorial.
Tumiyak na rin ang Pilipinas ng gold medal sa skateboarding nang makapasok sa finals ang All-Pinoy na sina Margielyn Didal at Christiana Means sa Game of S.K.A.T.E. semifinals kahapon.
Tinalo ni Didal ang Asian Games gold medalist sa street skateboarding na si Nyimas Cinta ng Indonesia. Pasok na rin sa final si Means nang manaig kay Kyandra Susanto ng Indonesia.
Nakumpleto ng Philippine Blu Girls ang sweep sa eliminations nang talunin ang Thailand, 11-0 sa women’s softball competition sa Villages sa Pampanga. Pumasok na sa semis ang Blu Girls makaraan ang panalo at pakay nila ang ika-10 gold medal sa SEAG.





Comments