Amit, nagpakaba muna, Biado at Chua, nanghiya

Matagumpay na naipadala ng paboritong Pilipinas ang dalawang koponan nito sa semifinals matapos gapiin ang magkaibang karibal sa magkahiwalay na pamamaraan noong Martes ng gabi upang magpatuloy ang paglalakbay sa puntiryang isang All-Pinoy finals sa ginaganap na 30th SEA Games 9-Ball Men’s Doubles sa Manila Hotel Tent sa Maynila.
Pinakaba ni Rubilen Amit nang husto ang mga kababayan noong Miyerkules nang gabi nang umusok ang kalabang Thai na si Siripaportn Nuanthakhamjan, 0-4 at 3-5, bago ito rumatsada sa isang 7-5 na panalo sa pagsisimula ng 9-Ball women’s singles.
Ipinoste ng malupit na tambalan nina Carlo “The Black Tiger” Biado at Johann “Bad Koi” Chua ang isa na namang panghihiya tungo sa panalo ng Philippines Team 1 laban sa Indonesia Team 1 na binubuo nina Jefry Zen at Irsal Afrineza Nasution sa iskor na 9-3.
Nauna rito, durog sa kanila ang hamong ipinagkaloob ng Malaysia Team 1 nina Kok Yung Jken at Muhammad Almie, 9-2.
Bukod kina Biado, kasalukuyang World Pool Billiards Association no. 4, at Chua, dalawang beses nang naghari sa malupit na All Japan Championships, ang Philippine Team 2 nina Warren “The Warrior” Kiamco at Jeffrey “The Bull” De Luna ay nakahakbang na rin sa final 4 ng kompetisyon matapos maungusan sina Ahmad Taufiq at Muhammad Azim mula sa Brunei, 9-8.
Ang una nilang panalo ay nairehistro kontra sa Malaysian Team 2 na binubuo nina Ibrahim Bin Amir at Darryl Chia Soo Yew, na nagtapos sa kartadang 9-3.
Ang mga panalo ay nangangahulugang sigurado ang bansa na makapag-uuwi ng dalawang medalya sa event bagamat ang inaasinta talaga ay makuha ang ginto at pilak.
Singapore at Myanmar ang nakaharang sa dalawang tambalan ng Pilipinas.
Sa snookers doubles, nasingitan ng mga Pinoy ang Indonesia, 2-1, para makapasok sa quarterfinals.





Comments