top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

840,000 guro sa public school ang makikinabang sa dagdag na chalk allowance

Kuya Win Gatchalian
Dec 5, 2019
2 min read

Sa 18 taong paglilingkod sa bayan ng inyong lingkod, binigyan natin ng atensiyon na maabot ng bawat Pinoy ang de-kalidad na edukasyon.

Isa sa mga nakita nating suliranin ay ang kakulangan sa budget para sa mga kagamitan sa pagtuturo ng mga guro. Ang allowance na ito ang dapat tumutulong para makabili sila ng pangangailangan sa kanilang klase.

Ngunit, dahil kulang na kulang ito, wala silang ibang magawa kundi ang maglabas ng pera mula sa sarili nilang bulsa habang walang kasiguruhan na magpapatuloy ang suportang natatanggap para magkaroon sila ng sapat na gamit nang sa ganu’n ay makapagturo nang maayos sa kanilang mga estudyante.

Paano natin gagawing de-kalidad ang edukasyon ng kabataan kung ang simpleng kagamitan sa pagtuturo ay hindi natin maibigay sa ating mga guro?

Nakakalimutan natin na ang mga kagamitan sa pagtuturo, gaanuman kaliit ay napakalaking bagay para sa mga guro dahil ito ay mga importanteng instrumento para maisakatuparan nila ang kanilang sinumpaang-tungkulin.

Ang P3, 500 kada taon na kasalukuyang nakukuha ng mga guro ay katumbas lamang ng P16 kada araw para maipambili ng mga kagamitan. Tumaas na nga ito kung tutuusin kung ikukumpara noong 2011 kung saan nakatatanggap lamang ang mga guro ng P700 chalk allowance kada taon.

Kaya kasama ng ating mga kapwa-mambabatas, isinusulong natin ang Senate Bill No. 1092 o ang Teaching Supplies Act of 2019 upang maitaas sa P5,000 ang allowance para sa mga kagamitan sa pagtuturo ng mga guro kada taon mula sa kasalukuyang P3, 500.

Naniniwala tayong malaki ang maitutulong nito sa mahigit 840,000 guro sa mga pampublikong paaralan na madalas na nag-aabono para sa kanilang pagtuturo.

Nakabuod sa Senate Bill No. 1092 ang panukalang itaas at maglaan ng sapat na budget para sa chalk allowance ng mga guro.

Sa ilalim din ng panukalang-batas ay susuriin ng Department of Education (DepEd) ang pangangailangang itaas ang halaga ng chalk allowance sa mga susunod pang mga taon.

Hangad natin ang kapanatagan ng loob at kaginhawahan sa trabaho ng ating mga magigiting na guro. Maraming pagsubok ngunit, malaki ang ating tiwala na walang imposible kung ito ay pagpupursigihan.

Una nang iminungkahi ang pagtaas ng chalk allowance ng mga guro noong 2018 National Budget ngunit, hindi ito naisabatas. Sa ating panukalang-batas, maaari pang mabawasan o madagdagan ang ipinanunukalang halaga depende sa aaprubahan ng Kongreso kapag natapos na ang bicameral conference committee at napirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ngayon, bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, patuloy nating itinutulak ang komprehensibong programang pang-edukasyon — ang pagsulong sa mas maunlad at de-kalidad na sistema ng edukasyon sa buong Pilipinas para sa kabataan at guro.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page