Malalakas na pampasabog nasabat ng militar.. Planong pag-atake ng mga terorista, buking
- Jeff Tumbado
- Dec 4, 2019
- 1 min read

Naunsiyami ang planong paghahasik ng terorismo ng ISIS terror linked na Dawla Islamiyah (DI) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa ilang mahahalagang pasilidad sa Central Mindanao makaraang madiskubre at masabat ng militar ang malalakas na uri ng pampasabog.
Narekober ng mga sundalo ang nasa 12 iba’t ibang homemade explosive devices sa kalagitnaan ng surgical operations laban sa nabanggit na teroristang grupo sa bulubunduking bahagi ng Shariff Saydona Mustafa.
Ayon kay Major Gen. Diosdado Carreon, kabilang sa mga nakumpiska ang mga improvised explosive devices, iba’t ibang uri ng armas at ilang bomb-making equipments.
Sa Bgy. Pamalian, Shariff Saydona, hiwalay na nakuha ang high powered armalite rifles na may mga bala, improvised bomb na yari sa hand grenade at nakakabit sa live 81mm. mortar at iba pang sangkap sa paggawa ng IED.
Sinabi ni Carreon na gagamitin umano sa pag-atake sa iba’t ibang lugar sa Maguindanao at ilan pang mga kalapit na lalawigan ang mga pampasabog.
Batay sa intelligence report, ang mga bomba ay gagamitin at ipakakalat sa mga lansangan ng Maguindanao at matataong lugar sa Cotabato, Maguindanao at Sultan Kudarat.





Comments