top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

VP Leni: Tuloy ang laban sa droga!

Fr. Robert P. Reyes
Dec 3, 2019
2 min read

Adbiyento ang panahon ng paghihintay at pag-asam sa pagdating ng Panginoon.

Sa panahon ng Panginoon, may labanan ng mabuti sa masama — liwanag sa dilim.

Maraming nakikinig at sumusunod sa Panginoong HesuKristo, ngunit, marami rin ang tumututol at tumutugis sa kanya. Sa kabila ng mga pagtanggi at pagkontra sa Kanyang mga turo at pagkatao, patuloy ang paglalakbay, pakikiisa, pagpapagaling at pamamahayag ng mabuting balita ni HesuKristo sa lahat.

Unti-unting tumindi ang pagtutol at panggigipit sa Kanya. Sa pagtagal, nagsimula na rin Siyang tugisin. Pero sa kabila ng mga ito, hindi Siya natakot o nasiraan ng loob. Malinaw ang Kanyang tinatayuan — malinaw ang Kanyang sandigan at pinaghuhugutang liwanag (direksiyon).

Paulit-ulit Niyang ipinahayag sa lahat na galing Siya sa Ama — ang Ama at Siya ay nagkakaisa. Lahat ng Kanyang salita at gawa ay galing sa Kanyang Ama.

Taun-taon tuwing panahon ng Adbiyento, mahalagang balikan ang diwa ng paghihintay at pag-asam sa pagdating ng Panginoon upang balikan ang mahalagang haliging ito ng pananampalataya.

Sa panahon ngayon, nais nating ipagdasal at suportahan si VP Leni Robredo sa patuloy niyang pagharap sa mga hamon at balakid na kanya nang sinapit sa simula pa lang ng kanyang termino.

Noong ika-6 ng Nobyembre, ginulat ni VP Leni ang buong bansa. Tinanggap niya ang pamumuno sa war on drugs, pagkatapos niyang sabihing hindi ito napagtagumpayan ng kasalukuyang administrasyon. Pakutyang inalok sa kanya ang war on drugs na malinaw na hindi inaasahang tatanggapin at seseryosohin ni VP Leni ang paanyaya.

At agad siyang nagsimulang magtrabaho. Pinulong niya ang mga ahensiyang kasama ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) hanggang sa hiningi nito ang listahan ng mga bigtime drug lords na maaaring hawak ng ilang mga kasapi ng ICAD, lalo na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sinagot si VP Leni ng mga ahensiya na hindi maaaring ibigay sa kanya ang listahan.

Hindi nagtagal, ibinaba na lang noong Lunes, ika-25 ng Nobyembre ang desisyon na sibakin si VP Leni bilang co-chairman ng ICAD.

Sa kabila ng patuloy na pambabalewala at pambabastos, hindi nagwala o nag-init ang ulo ni VP Leni, sa halip, ito ang kanyang sinabi, “Tinanggal nila ang aking posisyon ngunit, hindi nila matatanggal ang aking determinasyon.”

Sa kabila ng paulit-ulit na pambabalewala, ipinamalas pa rin niya ang katatagan ng kanyang pananampalataya at pag-asa sa Diyos.

Para sa marami, tila parating pa lang ang Panginoon na hinihintay at inaasam-asam. Ngunit, para kay VP Leni, hindi parating pa lang ang Diyos kundi dumating na at palagi niyang kasama sa lahat ng kanyang ginagawa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page