top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Sports sa iskul, palakasin para maging world-class ang galing ng mga atletang Pinoy

Kuya Win Gatchalian
Dec 3, 2019
2 min read

Walang pinipiling tao at panahon ang paglalaro ng sports. Ito ay para sa bata o matanda, mayaman o mahirap, may kapansanan o wala, malakas man o hindi. Ang pagkakaiba lamang ay ang kani-kanyang dahilan sa paglalaro — para magkaroon ng malusog na pangangatawan, pagbibigay ng karangalan sa bayan o pagkamit ng magandang kapalaran.

Dahil sa pagmamahal ng kabataang Pinoy sa sports, dapat pinaiigting at pinagyayaman ang pagtuturo nito sa mga paaralan. Nakakatuwa na isa ito sa mga layunin ng Department of Education (DepEd) — ang maiangat ang kalidad ng pagtuturo at mapaghusay pa lalo na ang mga mag-aaral na mahilig at magagaling sa kanilang napiling sports.

Base sa DepEd Order 25, s. 2015 — Implementing Guidelines on the Special Program in Sports (SPS), ipinaiimplementa ang Special Program in Sports (SPS) sa mga regular high school upang matutukan ang mga pangangailangan ng mga atletang mag-aaral sa pagpupursige sa kanilang laro.

Siyempre, upang maisakatuparan ito ay kailangan ng patuloy na gabay at presensiya ng mga sports teacher o trainer, pati na ang pagkakaroon ng mga angkop na pasilidad at kagamitan upang mapaunlad ang mga potensiyal ng bawat manlalaro.

Isa sa mga isinusulong ng inyong lingkod ay ang Senate Bill No. 1086 o ang Philippine High School for Sports Act of 2019. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, tungkulin nating magpatupad ng mga katangi-tanging polisiya na akma sa Konstitusyon ng Pilipinas tulad na lamang ng pagpapalaganap ng edukasyong pampisikal at panghihikayat ng mga sports program, league competition at amateur sports.

Kabilang na ang pagsasanay para sa mga laban sa ibang bansa at itaguyod ang disiplina sa sarili, pakikipagkapwa-tao at kahusayan alang-alang sa malusog at alertong lipunan.

Malapit sa puso nating mga Pinoy ang panonood at paglalaro ng sports. Ngayon ang tamang panahon para mas makilala pa ang ating bansa bilang tahanan ng mga magigiting na kampeon sa buong mundo sa larangang ito.

Hangad natin na ang mga mag-aaral ay lubusang maihanda at mahubog sa pakikibaka sa anumang kompetisyon upang harapin ang laban na puno ng inspirasyon, dignidad at dedikasyon para sa bokasyon.

Noong Nobyembre 30, opisyal nang nagbukas ang 30th Southeast Asian Games kung saan host ang ating bansa. Mayroon tayong higit isang libong atleta na kasalukuyang nakikipaglaban sa delegasyon ng Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Timor-Leste at Vietnam para sa higit 500 gintong medalya sa iba’t ibang uri ng mga laro.

Hangad natin ang tagumpay ng lahat ng bawat manlalaro.

Anuman ang resulta, tandaan na ang pinakamahalaga ay ang inyong ibinahaging pagsisikap, dedikasyon at determinasyon.

Tulad na lamang ng bilin ni DepEd Secretary Leonor Briones, huwag hangarin lamang ang manalo sa palaro kundi ang matatamong kasanayan sa buhay, pakikisalamuha sa kapwa, team building sa mga kapwa atleta at ang karangalang maibibigay sa sarili, pamilya at buong bansa.

Mabuhay ang mga atletang Filipino!

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page