Diaz, gold sa Weightlifting; Liwanen, ginto sa Kurash

Ang lakas talaga ng Pinay! Walang pawis na nanalo ng ginto si Hidilyn Diaz sa Women’s Weightlifting 55 kilograms sa pagpapatuloy ng aksyon sa 30th Southeast Asian Games sa Ninoy Aquino Stadium.
Bumuhat si Diaz ng 91 kilo sa Snatch at 120 kilo sa Clean and Jerk para sa pinagsamang 211 kilo, napakalayo sa kanyang mga kalaban.
Pangalawa si Nguyen Thi Thuy ng Vietnam (197kg) at malayong pangatlo si Julian Klarisa ng Indonesia (175kg).
Samantala, pang-apat si Elien Perez sa 49 kilos nang nabitin siya ng isang kilo sa kanyang 171 laban sa 172 kilo ng tanso na si Ngo Thi Quyen ng Vietnam.
Pang-apat din si Dave Pacaldo sa men’s 61 kilos at hindi sapat ang nabuhat na 250 kilo laban sa ginto Eko Irawan ng Indonesia (309 kilo), pilak Thach Kim ng Vietnam (304 kilo) at tanso Muhammad Aznil Bin Bidin ng Malaysia (283 kilo).
Sa event ng Kurash, bumida si Estie Gay Liwanen bilang pinakaunang kampeon sa bagong disiplina ng Kurash sa 30th SEAG sa Laus Events Center sa San Fernando, Pampanga.
Ginto si Liwanen sa Women’s Under 63 kilos kung saan tinalo niya si Khasani Shifa ng Indonesia. May apat pang mga kababayan ang nag-ambag sa lalong dumaraming hakot sa 2nd day ng kompetisyon ng uri ng martial art na buhat sa Gitnang Asya.
Pilak si Jenielou Mosqueda sa Women’s Under 57 kilos habang tanso ang kay Helen Dawa sa Women’s Under 52 kilos at Rick Jayson Senales sa Men’s Under 90 kilos.





Comments