SEAG 1st day: 15 gold na! Gymnastics at Triathlon

Photo: Abs-cbn News (right)
Maagang nagpasimula ng biyaya ng ginto ang unang araw ng pormal na kompetisyon ng 30th Southeast Asian Games nang makakuha ng labinlimang gold medals ang Philippine National Team sa iba’t ibang panig ng Luzon kahapon.
Winalis ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) ang panibagong championship run nito sa biennial meet nang hakutin ang 2 gold at 2 silver para sa 1-2 finish sa men’s at women’s triathlon event.
Binitbit ng mga Pinoy triathlete ang 1-2 finish para sa unang gold medal ng bansa sa Men’s Triathlon event mula sa Subic Bay Boardwalk sa Zambales.
Itinakbo ni John Leerams Chicano ang gintong medalya sa personal best na 1:53:26 na pagtatapos sa 1.5km swim, 40-km bike at 10-km run para ungusan ang teammate nitong si Andrew Kim Remolino sa nakuhang 1:55:03 para sa silver medal.
Nakuha ni Ahlul Firman ng Indonesia ang tansong medalya sa kanyang nairehistrong 1:57:10.
“Maganda pong pasimula ito para sa Pilipinas, isa po itong blessing,” wika ng Subic-based triathlete. “Sana maging malaking motibasyon pa ito para sa iba pa nating mga atleta na kaya nating lahat basta sa suporta ng ating mga kababayan at pagpapala ng Panginoon,” dagdag nito.
Maagang nag-umpisa ang karera sa pagputok pa lang ng liwanag sa umaga kung saan pinalasap agad ng Pinoys ang dominasyon sa karera.
“Natupad po lahat ang aming inaasam na goal, ang makuha po iyong 1-2 finish,” sambit ni Chicano.
Hindi nagpahuli ang mga kababaihan at matagumpay na nanatili ang gold medal kina Kim Mangrobang sa oras na 2:02:00 at sinundan siya ng kababayang si Kim Kilgroe na nagtapos sa 2:05:02 at malayong pangatlo si Nethanvani Octaria ng Indonesia sa 2:16:33.
Samantala, ipinakita ni Carlos Yulo kung bakit siya ang kampeon ng buong mundo at nakamit ang ginto sa All-Around Competition ng Men’s Artistic Gymnastics para sa ika-15 na ginto ng Pilipinas as of 5 p.m. at hindi pa tapos ang araw.
Nanguna si Yulo sa Floor Exercise at Horizontal Bar lang pero hindi malayo ang puntos sa apat na iba pang event. Pagkatapos kunin ang maagang lamang matapos ang Floor Exercise, pumangatlo siya sa Pommel Horse pero bumawi ng malaki at pumangalawa sa Rings, Vault at Horizontal Bar at tinuldukan ng pampanalong ipinakita sa Horizontal.
Samantala, nagpamalas ng mahusay na estilo at malinis na performance si Agatha Chrystenzen Wong upang makuha nito ang back-to-back title sa women’s Taolu Taijiquan event sa World Trade Center sa Pasay, City.
Nakamit ng 21-anyos na defending champion ang kanyang 9.67 puntos mula sa mga hurado na nakatakda ring bumawi sa women’s Taijijian event.





Comments