Dugo at pawis bago makabuo ng diyaryo noon, isang click na lang ngayon
Happy Anniversary po sa ating pahayagan.
Mabuhay!
◘◘◘
MASARAP alalahanin ang nagdaang panahon kung saan hindi pa nauuso ang mga modernong gadget na pangkomunikasyon.
Noong 1993-1994 nang maging Sports editor ang inyong abang-lingkod ng BULGAR at BULGAR Tonight!
◘◘◘
WALA nang nakaaalala ng BULGAR Tonight, pero noon, mayroong panggabing bersiyon ang BULGAR newspaper.
Tayo ang Sports editor ng dalawang diyaryo, bago naging editor-in-chief noong 2003!
◘◘◘
MATAPOS ang layout ng pang-araw na BULGAR, alas-6:00 ng gabi — magbe-break muna — at babalik ang inyong lingkod sa desk ng alas-9:00 ng gabi.
Bandang alas-12:00 nang hatinggabi ang imprenta ng BULGAR Tonight!
◘◘◘
ANG katindihan ng sirkulasyon ng mga tabloid, noong 1993 hanggang 1998 kung saan mayroon pang jai-alai. May programa ng jai-alai ang BULGAR at BULGAR Tonight.
Pinuputakti ng mga reader ang dalawang BULGAR dahil sinusubaybayan sa Luzon, Visayas at Mindanao ang tips ni Dudung Diamond!
◘◘◘
SUMASABAY sa patok ng mga tip ang husay at kalidad ng mga artikulo ni Maestro Honorio Ong, ang artikulo na pambabae o pambahay ni Nympha Miano (dalaga pa noon ang reyna ng sports ngayon).
At siyempre, ang walang kamatayang showbiz news at mga napapanahong balita.
Patok ang BULGAR sa lahat ng larangan, noon at ngayon!
◘◘◘
KASABAY din ang mga artikulo ng sex talk, halaw at iba pa kung saan nagpapadala ng liham sa koreo ang mga mambabasa. Sa maniwala kayo o sa hindi, saku-sako ang liham mula sa koreo.
Opo, walang selpon, walang Facebook o anumang social media noon kundi ang post office lamang at koreo!
◘◘◘
WALA ring fax, email o selpon sa panahon ng pagsisimula at pag-angat ng ating pahayagan. Ang mga istorya ay kailangang “dalhin nang personal” ng mga reporter matapos itipa sa makinilya. Ganyan kahirap ang buhay ng mga mamamahayag noon. Ngayon?
Nangongopya na lang sa Facebook at website — wala na ring bolpen at papel!
◘◘◘
ANG mga litrato ay mas mabigat, kapag colored ang photo — tatakbo muna sa Hidalgo sa Quiapo ang mga photographer. Pero, walang colored photo noon, puro black and white lang.
May sariling dark room ang BULGAR at sa opisina nagdi-develop ng litrato gamit ang “film”!
◘◘◘
SOBRANG layo na ng nagdaan, nabubura na ang mga alaala. Mahirap nang ibalik ang mga kasaysayan sa pamamahayag.
Isang haligi ang BULGAR sa daigdig ng pamamahayag sa Pilipinas — noon, ngayon at sa hinaharap. Happy 28th Anniversary po sa ating lahat!
Mabuhay!





Comments