Aktibo sa sex, mas dapat magpa-pap smear para iwas-cervix cancer
- Shane M. Ludovice, M.D
- Dec 2, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Ako ay 36 years old at may dalawang anak. Never pa akong nakaranas ng pap smear, pero naririnig ko itong pinag-uusapan ng katrabaho ko. Sa edad ko ba ay dapat na akong sumailalim dito? Para saan ba ito? Sabi nila, maaaring maagapan ang sakit sa matris kapag nakita nang maaga sa pamamagitan nito. Totoo ba ‘yun? — Eunice
Sagot Ang pap smear o pap test ay para sa kababaihan at ginagawa ito para malaman ang kondisyon ng cervix (bukana ng matris). Ang pap test ay bahagi ng pag-iingat sa kalusugan ngunit hindi ito paglilinis ng matris tulad ng inaakala ng karamihan.

Kumukuha ng sample ng selula sa cervix o bukana ng matris gamit ang cotton swab at inilalagay sa slide upang maeksamin kung mayroong mga hindi pangkaraniwang pagbabago sa selula ng matris sa pamamagitan ng mikroskopyo.
Kung ang mga pagbabagong ito ay makita at makontrol nang mas maaga, maaaring maiwasan ang 90 porsiyento ng karaniwang kanser sa matris.
Kailan dapat magpa-pap smear?
Dalawang linggo pagkatapos ng buwanang dalaw o regla.
Kapag hindi kayo nakipagtalik ng tatlo hanggang apat na araw bago magpaeksamin at kapag hindi kayo gumamit ng anuman sa inyong ari tulad ng foam o gamot ng 48 oras o dalawang araw.
Kailangang magpa-Pap Smear test ang mga babae oras na sila ay nag-umpisang makipagtalik (intercourse) isang beses sa loob ng isang taon at kailangan nilang ituloy ito hanggang sa edad na 70. Ito ay dahil tumataas ang panganib ng cervix cancer habang tumatanda. Kapag higit 50 taong gulang na, kailangan pa rin ng pap test — nakararanas man kayo ng pagtatalik o hindi o kahit pa menopause na kayo (wala nang buwanang regla).
Payo ng mga doktor, puwede nang magpa-pap smear ang mga babaeng edad 21 pataas, may asawa man o wala lalo na kung active sexually.
Nakadepende aniya sa resulta ng unang pap smear kung gaano kadalas uulit sa ganitong klase ng pagpapasuring medikal ang babae.
Makabubuti kung madalas ang pap smear higit lalo kung may human immunodeficiency virus (HIV) ang babae, mahina ang immune system o palaging nagkakasakit, gumagamit ng steroids at kung na-diagnosed na may cervical cancer.




Comments