Tulong-pinansiyal ng SSS sa mga biktima ng lindol sa Mindanao
Buti na lang may SSS

Dear SSS,
Magandang araw! Nais kong malaman kung mayroon bang tulong-pinansiyal ang SSS para sa mga naapektuhan ng lindol sa Mindanao? Salamat! —Lani
Sagot
Mabuting araw, Lani! Nagsimula na ang pagtanggap ng SSS para sa Calamity Assistance Package sa mga miyembro at pensiyunado na naapektuhan ng magkakasunod na lindol noong Oktubre sa Mindanao. Ang mga miyembro at pensiyunado na naninirahan o may ari-arian sa mga lugar na idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa ilalim ng state of calamity ay maaari nang magpasa ng aplikasyon mula noong Nobyembre 18, 2019. Ang declared calamity areas ay ang mga sumusunod: Davao del Sur at North Cotabato, mga munisipalidad ng Bansalan, Matanao, Makilala, Tulunan at Kidapawan.
Sa ilalim ng CAP, maaaring makakuha ng calamity loan, advance three-months pension at direct house repair and improvement loan.
Maaari namang mag-apply sa Calamity Assistance Package ang mga miyembrong nakarehistro sa SSS Web (My.SSS facility); nakapagbayad ng 36 buwanang kontribusyon, ang anim dito ay dapat nakatala na sa record ng miyembro sa huling 12 buwan bago ang filing ng aplikasyon at nakatira sa mga binanggit na calamity areas at nawalan o nasira ang mga ari-arian sa naturang lugar. Maaari rin dito ang mga miyembrong may pag-aari o tirahan sa mga nabanggit na lugar. Dapat hindi pa rin sila nabibigyan ng anumang final benefit claim tulad ng Total Disability o Retirement at walang kaukulang outstanding balance o binabayaran sa ilalim ng Loan Restructuring Program at Calamity Loan Assistance Program. Kung employed naman, kinakailangang ang kanyang employer ay updated sa pagbabayad ng kanilang mga kontribusyon at loan payments sa SSS.
Para sa mga miyembro, maaaring mag-apply ng calamity loan na katumbas ng one-month monthly salary credit ng miyembro na batay sa average MSC sa nakalipas na 12 buwan. Ang calamity loan assistance ay hiwalay na pautang sa regular na salary loan kaya ang mga miyembro na kuwalipikado sa salary loan ay maaari pa ring mag-apply dito.
Kabilang dito ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na residente sa mga lugar na idineklarang state of calamity. Kung nasa ibang bansa, pinahihintulutan ng SSS ang kanilang authorized representative na magpasa ng kanilang aplikasyon kalakip ang kanilang authorization letter at valid IDs.
Maliban sa calamity loan, ang mga miyembrong nasira ang bahay ay maaari ring mag-avail ng Direct House Repair and Improvement Loan Program. Hanggang P1milyon ang maaaring utangin dito. Papatawan ng interest na walong (8) porsiyento kada taon para sa utang na may halagang aabot sa P450, 000 at siyam na porsiyento kada taon naman para sa utang na mula P451, 000 hanggang P1 milyon. Bibigyan din ang borrower ng anim na buwang moratorium sa pagbabayad ang miyembro at hindi na rin pababayaran ang 1% na processing fee na karaniwang sinisingil sa regular na housing loan application.
Upang makapag-apply sa Direct House Repair and Improvement Loan, ang miyembro ay kinakailangang hindi hihigit sa 60 taong gulang at nakapaghulog ng hindi bababa sa 24 buwanang kontribusyon.
Ang mga pensiyunado naman ay maaaring mag-avail ng advance three-month pension. Kinakailangan lamang na magpakita ng barangay certification bilang patunay na sila ay naninirahan sa nasalantang lugar na idineklara ng NDRRMC.
Tatanggap ng aplikasyon para sa calamity loan at advance three-months pension hanggang Pebrero 17, 2020. Samantala, ang aplikasyon para sa Direct House Repair and Improvement Loan ay tatagal naman ng isang (1) taon na magtatapos hanggang Nobyembre 17, 2020.
Sa mga interesadong miyembro at pensiyunado, maaaring mag-file ng aplikasyon sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Maaaring i-download ang mga kaukulang application forms, barangay certification at authorization letter sa SSS website sa www.sss.gov.ph.
◘◘◘
Nais nating ipaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Magsadya lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar para sa inyong mga aplikasyon. Makahihiram po kayo ng hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang taon.
Kung mayroon man kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong topic na nais matalakay sa kolum na ito, maaari ninyo kaming i-email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.





Comments