SEA Games sa ‘Pinas, world-class

Pormal nang binuksan ang ika-30 Southeast Asian (SEA) Games na ginaganap sa Pilipinas.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagdeklara ng pagbubukas ng mga palaro na sinasalihan ng may 11 bansa sa Timog-Silangang Asya.
“I declare open the SEA Games for the 30th time celebrating the games of Southeast Asia. Mabuhay kayong lahat!” ani Duterte.
Bago ang deklarasyon ng pagbubukas ng SEA Games, naging pambungad sa programa ang pagpapakita ng mga kulturang Pilipino sa pamamagitan ng mga awit at katutubong sayaw.
Ang mga itinuturing na SEA Games legends na sina Lydia de Vega-Mercado; Akiko Thomson-Guevarra; Eric Buhain; Alvin Patrimonio; Bong Coo; Efren Reyes; Onyok Velasco at Rafael Nepomuceno ang nagparada ng watawat ng SEA Games sa entablado ng Philippine Arena.
Nagpasiklab din ng galing ang mga musical artist na sina Christian Bautista, Aicelle Santos, Jed Madela, Elmo Magalona, KZ Tandingan, Iñigo Pascual, The TNT Boys, Ana Fegi, Robert Seña, at Apl.de.ap. na sa pagtatapos ng kanilang performance ay inawit ang theme song ng SEA Games na “We Win as One.”
P50-milyong kaldero, sinindihan
Pinangunahan nina boxing legends Manny Pacquiao at Nesthy Pelecio ang pagsisindi ng kontrobersiyal na cauldron sa Athletic Stadium sa New Clark City, Tarlac.
Sinabayan pa ng fireworks display ang pagbubukas ng cauldron na nakikita rin ng mga tao na nasa labas ng stadium. Mananatiling bukas ang cauldron sa buong panahon na ginaganap ang mga laro ng SEA Games.
Gayunman, mayroong mga nadismaya matapos na hindi na sila mapayagan na makapasok sa stadium para saksihan ang pagsindi ng cauldron.
Proud ang mga Pinoy
Tinataya ng Philippine National Police (PNP) na umabot ng mahigit 25,000 ang dumagsa sa opening ceremony ng SEA Games sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Kahit ang mga walang tiket ay pinapasok na rin ng organizing committee sa loob ng Philippine Arena bagama’t, wala na ring naupuan ang mga ito at kung saan-saan na lang sumalpak.
Sa kabila ng dinanas na init ng maghapon, hirap sa pagpila at mayroong mga ginutom ay napalitan ng kasiyahan at paghanga ng mga dumalo sa opening ceremony ang itinuturing nilang world-class na mga performance at paghahanda.





Comments