P15 bilyong bagong utang ng ‘Pinas para sa mahihirap, mas pahirap!
- BULGAR

- Dec 1, 2019
- 2 min read
Habang abala ang karamihan sa ginaganap na 30th Southeast Asian Games, pinirmahan na ng Department of Finance at ng World Bank ang $300 million o mahigit P15 billion loan agreement na dagdag-pondo sa 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno.
Napag-alaman na ang World Bank ay nakapag-ambag na ng $1.26 billion sa 4Ps mula nang una itong magkaloob ng funding support noong 2010.
Noong 2016 ay inaprubahan ng multilateral lender ang $450 million funding upang makatulong sa pagpondo sa health and education grants para sa mga benepisaryo ng conditional cash transfer mula noong 2016 hanggang 2019. Samantala, saklaw ng panibagong $300 million loan ang pagpondo sa cash transfer sa may 4.2 milyong mahihirap sa susunod na dalawang taon.
Kaugnay nito, ayon sa 2018 Poverty Assessment ng World Bank, ang 4Ps ay nakatulong umano nang malaki para mabawasan ang kahirapan sa bansa. Magandang balita na malaking tulong ang 4Ps lalo na sa mga pamilyang hirap talaga sa buhay, pero hindi rin maitatangging may mga benepisaryo na hindi karapat-dapat sa programa. May mga tumatanggap na hindi naman talaga masasabing mahirap, habang meron ding mahirap talaga pero hindi ginagamit sa tama ang tulong na natatanggap.
Ito ang dapat matutukan ng gobyerno, partikular ng mga ahensiyang namamahala nito. Hindi biro ang bilyun-bilyong pisong pondo na galing sa utang. Hindi natin alam kung ilang henerasyon na naman ang magmamana nito.
Kaya imbes na masayang o maabuso, ngayon pa lang ay tiyakin na sanang napakikinabangan nang husto. Bigyang-daan ang mga technical assistance upang makatulong sa pagpapalakas ng implementasyon ng programa, kabilang ang monitoring at evaluation. Kung may pamilyang nakaluwag-luwag na sa buhay, ibigay na natin ang tulong sa iba.
Maganda rin sana kung makapaglalaan ng pondo para makalikha ng trabaho o kabuhayan para sa mga benepisaryo. Sa ganitong paraan, puwedeng hindi na sila umasa sa minsan sa isang buwan na pagdutdot sa ATM machine. ‘Ika nga, sa halip na bigyan ng isda ay turuan silang mangisda at ang 4Ps ang magsisilbi nilang palaisdaan. Kaya huwag nating hayaan na magamit ito sa politika at korupsiyon.
Ang 4Ps ay binuo at sinisikap na mapondohan para sa pinakamahihirap nating kababayan na patuloy na nagsisikap para guminhawa sa buhay at maging pag-asa ng ating bayan.





Comments