Apartment ni-raid, P455-m droga, buking!

Photo: Abs-cbn News
Tinatayang nasa 67 kilos ng droga na nagkakahalaga ng P455 milyon ang nakuha nang salakayin ng mga awtoridad ang isang unit ng apartment sa Bgy. Talon, Las Piñas City, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Police Lt. General Camilo Cascolan, nakatanggap siya ng impormasyon mula sa impormante kaugnay sa sinasabing unit na ginagawang warehouse ng droga.
Ang sinasabing unit ay inuupahan ng naunang nahuli na si Joel Bustamante at kinakasama nitong si Melanie Salem.
Nakipag-ugnayan agad ang PNP deputy chief for operations sa SPD, Las Piñas City Police, PDEA at PDEG at pinuntahan ang naturang bahay, bagama’t, hindi sila agad pumasok dahil naghintay pa ng court order para makapasok sa loob ng unit.
May-ari mismo ng townhouse na si Maria Clavo ang nagbigay ng pahintulot sa kanila na pasukin ang unit na inupahan ni Joel Bustamante, alas-5:15 ng madaling-araw.
Nang makapasok na ang mga awtoridad, dito nila nakita ang bloke-blokeng hinihinalang droga na may 67 kilos na nagkakahalaga ng P455,600,000, sa isang bodega sa ilalim ng hagdanan.
Bukod kay Cascolan, dumating din si PNP-OIC Archie Francisco Gamboa sa nasabing lugar.
Naunang nahuli si Joel at ang kapatid nitong si Mervin nitong Miyerkules sa isang parking lot sa C-5 Extension, Bgy. Manuyo, kung saan nakuhanan ng 17 kilos ng hinihinalang shabu na nakalagay sa greentea bag sa isang kotse na aabot sa P115.6 milyon.
Ang magkapatid na Bustamante na sinasabing drug courier umano ng isang Chinese national na si Liu Chao, na nahuli at nakuhanan ng apat na kilos ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P2.7 bilyon sa isang apartment sa Banoyo St., Bgy. San Antonio, Makati City na ginawa umanong shabu warehouse.





Comments