top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Ovarian cyst, puwedeng mauwi sa pagkabaog at maging kanser

Shane M. Ludovice, M.D
Nov 30, 2019
2 min read

Dear Doc. Shane Na-diagnosed na may ovarian cyst ang isa kong kapatid na babae, pinayuhan siya ng kanyang doktor na ipaopera ito dahil nagdudulot ito ng kirot. Ano ba ang ovarian cyst at ano ang sanhi nito, magiging cancer ba ito kapag hindi inalis? Nag-aalala ang aking kapatid dahil iisa pa lamang ang kanyang anak. — Helen

Sagot Ang eksaktong sanhi ng ovarian cyst ay hindi tiyak dahil may mga ovarian cyst na kaugnay lamang ng mga pagbabagong nangyayari sa obaryo sa sandali ng menstrual cycle at puwede silang mabuo mula sa nabubuong ovum (graafian follicle) o lumang ovum (corpus luteum), na nawawala rin sa bawat cycle ng babae. Mayroon ding mga cyst na bunga ng developmental abnormalities sa mismong obaryo tulad halimbawa ng polycystic ovary at dermoid cyst.

Ang ovarian cyst ay naglalaman ng fluid at common ito sa kababaihang edad 30-60. Ang cyst ay puwedeng lumabas sa isa o dalawang obaryo at puwedeng nag-iisa lang o maraming cysts.

Karamihan sa kaso ng ovarian cyst ay benign at tinatayang 15 % sa mga pasyente na na-diagnosed ang malignant o cancerous.

Ang cyst ay puwedeng mauwi sa pagdurugo o pagsabog, kung ang cyst naman ay may tangkay, posible itong mapilipit at kung minsan ay napagkakamalan itong acute appendicitis o iba pang abdominal emergencies. May posibilidad na maimpeksiyon ito at magdulot ng lagnat at kirot. Gayundin, may posibilidad na lumaki nang sobra ang cyst at magdulot ng paglaki ng tiyan o puwede nitong mabarahan ang venous drainage at magdulot ng pamamanas ng mga hita.

Ang ovarian cyst ay inaalis sa pamamagitan ng operasyon at ito ay depende sa kaso, puwedeng alisin lang ang cyst sa obaryo o alisin ang buong obaryo. Kapag inalis ang parehong obaryo, ito ay mauuwi sa pagkabaog ng babae at pagme-menopause. Inaalis lamang ang buong obaryo kapag ito ay ovarian cancer o nagme-menopause na.

Makabubuti kung ipakokonsulta agad sa gynecologist para malaman kung ito ay kailangang operahan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page