Jerusalem, Hong Kong at ‘Pinas, pare-parehong sinubok pero nananatiling matatag
“Kapag nakita ninyong kubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, talastasin ninyong malapit na ang pagkawasak nito. Dapat tumakas sa kabundukan ang mga nasa Judea at umalis ng lungsod ang mga naroon at huwag pumasok ang mga nasa kabukiran. Sapagkat ito ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga nasasaad sa kasulatan.” (Lucas 21:20 ff)
Kung paulit-ulit sinasambit ng mga Hudyo mula noon hanggang ngayon ang pangalan ng kanilang Inang Bayan, ang Jerusalem, maaari rin nating unawain ang damdamin at kamalayang napapaloob sa katagang Jerusalem.
Samantala, sa hindi kalayuang sulok ng mundo, ganundin ang maririnig natin — sa Hong Kong. Kung tayo ay taga-Hong Kong, tiyak na iba ang dating para sa atin ng salitang “Hong Kong”. Tigib ito ng damdamin, alaala at kaisipan ng pagpapahalagang bumubuo ng kolektibong kamalayan ng mamamayan.
Ilang ulit nilusob at sinira ang templo ng Jerusalem na napakahalaga para sa mga Hudyo. Pero, hindi nasira at tuluyan nang nawala ang pananampalataya ng mga Hudyo kay Yahweh.
Sa gitna ng pait ng pagkawala ng napakahalagang simbolo ng templo, hindi tuluyang nasira ang kanilang pananalig, bagkus, lalo pa itong lumalim.
Ganito rin kung maituturing ang kasalukuyang nangyayari sa Hong Kong. Mahigit anim na buwan na nang magsimula ang tuluy-tuloy na protesta at pag-aaklas ng mga taga-Hong Kong laban sa hindi katanggap-tanggap na panghihimasok ng China sa pamamalakad ng independiyenteng bansa.
Pagkaraan ng hindi mabilang na kilos-protesta, naganap noong nakaraang linggo ang eleksiyon ng 452 kinatawan ng 18 District Councils ng maliit ngunit mayamang bansa. Natamo ng mga Pro-Democracy Hong Kongers ang mayorya ng boto. Malinaw na tagumpay ito ng walang tigil na pagpupunyagi ng mga Hong Kongers.
Pero sa kabila nito, nagpahayag si Wang Yi, ang Chinese Foreign Minister na, “walang magbabago. Ang Hong Kong ay bahagi ng China at ‘special administrative region’ ng China. Maaaring hindi nanalo at maaaring hindi talaga mananalo sa politika ang taumbayan ng Hong Kong, pero nanalo ang mga ito sa ibang antas.”
Alam nilang tuwing isisigaw nila ang “Hong Kong, Hong Kong!” may karagdagang yaman ng damdamin, kasaysayan at kamalayan ang kanilang tinataglay.
Samantala, bago pa man magsimula ang 30th Southeast Asian Games, sangkaterbang kahihiyan na agad ang naganap at natamo ng ating bansa, salamat sa uri ng pamamahala ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) sa pamumuno ni Alan Peter Cayetano.
Marami ang pumuna mula sa mamahaling “kaldero” (cauldron) hanggang sa hindi maayos na pagtanggap sa mga delegado mula sa iba’t ibang bansa, gayundin sa inihandang pagkain.
Gayunman, naniniwala at nagdarasal tayo na maitatawid natin nang maayos ang okasyong ito.
Ano kaya ang ating mararamdaman at maiisip ng mga Pinoy tuwing maririnig o sasambitin nila ang salitang ‘Pilipinas’?





Comments