Ekstensiyon ng validity ng 2019 National Budget, pipirmahan na lang ni P-Digong

Habang isinusulat natin ang pitak na ito, nakatakda nang i-transmit sa Mababang Kapulungan ang bersiyon ng Senado sa panukalang pagpapalawig sa validity ng 2019 National Budget.
Ito ay matapos pumasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Mataas na Kapulungan ang House Bill 5437 katumbas ng SBN 1153 na isinumite ng inyong lingkod bilang bersiyon ng Upper House.
Sa ilalim ng panukalang ito, partikular na pagtitibayin ang validity ng CO o capital outlay at maintenance and operating expenses (MOOE) ng 2019 National Budget at tatagal ang bisa nito mula Disyembre 31, 2019 hanggang Disyembre 2020.
Nagpahayag ang Kamara na matapos lumusot sa botong 19-0-0 sa Senado ang panukalang ito, susundin nila ang bersiyon ng Mataas na Kapulungan at pormal na ipadadala sa tanggapan ng pangulo upang malagdaan sa lalong madaling panahon.
Base sa nilalaman ng Section 65 ng Republic Act 11260 o 2019 General Appropriations Act, lahat ng aprubadong pondo ng mga kaukulang ahensiya para sa 2019 ay kailangang ipalabas at ipatupad mula Disyembre 31 sa taong kasalukuyan at may bisa hanggang sa Disyembre 2020.
Ang unutilized appropriations, base sa batas ay kailangang ibalik sa National Treasury subalit, maaari namang mapalawig ang validity nito kung sasailalim sa pagsasabatas ng dalawang sangay ng Kongreso.
Matatandaang, dahil sa gusot sa pag-apruba ng 2019 GAA noong nakaraang taon, noong Abril 15, 2019 lamang ito nalagdaan ng pangulo. Ibig sabihin, apat na buwang delayed ang pag-apruba nito, na inabutan pa ng election ban.
Dahil diyan, ngayong 2019, tumakbo ang operasyon ng gobyerno sa ilalim ng reenacted budget. At dahil wala tayong bagong budget pagdating ng 2020, maraming proyekto ang administrasyon na hindi naumpisahan.
Sakaling malagdaan ng pangulo ang panukalang ito, aarangkada na in full blast ang mga proyekto at programa ng gobyerno.
◘◘◘
Kamakailan, hinimok natin ang administrasyong Duterte na bigyan ng alternatibong paraan ang komyuter para hindi naman sobrang apektado sa napakasikip na trapiko lalo na sa rush hours. At ang inihain nating solusyon, pagpapasigla sa Pasig River Ferry System.
Nang ipanukala natin ito, 11 sa kabuuang 14 ferry stations sa kahabaan ng Pasig River ang operational. Kabilang sa mga ito ang Pinagbuhatan at San Joaquin sa Pasig City; Guadalupe at Valenzuela sa Makati City; Hulo Ferry Station sa Mandaluyong City; PUP Sta. Mesa; Plaza Lawton, Sta. Ana, Lambingan, Escolta at Plaza Mexico sa Maynila.
At magandang balita, nakatakda na raw ilunsad sa Pasig City ngayong Disyembre ang dalawang bagong ferry boats, ayon sa alkalde ng lungsod na si Mayor Vico Sotto.
Pero nakalulungkot pa rin na ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), hindi pa rin tuluyang magiging operational ang Pasig River Ferry System dahil sa napakalaki pa ring kakulangan sa mga magagamit na ferry. Uulitin natin ang panawagan — sana, muling mapalakas ang ferry system. Malaking tulong ito sa mga komyuter na araw-araw nakikipagsapalaran sa napakatinding trapik.





Comments