top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Dasal, pinakaepektib na suporta para sa mga atleta sa SEA Games

  • Ryan B. Sison
  • Nov 30, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Iba‘t iba ang naging reaksiyon ng taumbayan nang imungkahi ni House Committee on Games & Amusements member at ACT-CIS Partylist Rep. Joelyn Tulfo na magpatupad ng localized holidays sa mga lugar na pagdarausan ng mga laro sa 30th Southeast Asian Games.

Hinimok ni Tulfo ang Ehekutibo na maglabas ng kautusan para ideklarang non-working holidays ang mga piling lugar tulad ng Biñan City, Laguna; Clark, Pampanga; Subic, Zambales; San Juan, La Union; Calatagan, Batangas; Santa Rosa City, Tagaytay at Imus sa Cavite at Los Baños, Laguna, gayundin sa ilang mga lungsod sa Metro Manila.

Aniya, dapat sanang ipatupad ang non-working holidays mula December 1 hanggang 11, pero kung sa tingin ng gobyerno ay napakahabang bakasyon nito, hinihikayat na magdeklara ng walang pasok kahit tatlong araw.

Bukod sa layuning makabawas sa bigat ng daloy ng trapiko at hindi maaapektuhan ang publiko ng mga aktibidad, pagkakataon din ito na makapanood ang mga Pilipino ng palaro at suportahan ang mga manlalaro.

Samantala, maraming hindi pumabor dahil hindi pare-pareho ang prayoridad ng mga tao.

Kung may mga interesado sa SEA Games, meron namang dedma lang dahil para sa kanila, mas importanteng kumayod para may maipakain sa pamilya kaya kung ang siste sa trabaho ay ‘no work, no pay’, kawawa sila dahil halos isang cut-off silang walang kikitain.

Pero hirit ng iba, hindi naman ito taun-taon nangyayari kaya oks lang ito kung willing at kakayanin ng kumpanya na magbayad sa empleyado.

Wala pa namang pinal na desisyon, ikonsidera sana ng gobyerno ang ordinaryong mamamayan na maaaring maapektuhan nito.

Sa panahon ngayon, mas gusto na lang nilang magtrabaho kesa magpahinga sa bahay nang walang inaasahang kita.

Marami namang paraan para suportahan ang mga atletang Pilipino tulad ng pagdarasal, pagpapakita ng disiplina at pakikisama sa mga kinauukulan.

Sa pagbubukas ng 30th SEA Games, sabay-sabay tayong manalangin at umasa na magiging maayos ito at huwag magkaroon ng aberya dahil ang tagumpay nito ay hindi lang tagumpay ng organizers kundi tagumpay ng ating bansa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page