‘Pinas bumawi sa kikiam, world-class na pagkain, inihain sa mga atleta
- Korina Sanchez
- Nov 30, 2019
- 2 min read
Sa kabila ng mga naiulat na kapalpakan, bigyang-pansin din natin ang mga magaganda at maaayos na nagaganap sa kasalukuyang 30th Southeast Asian Games. At isa na rito ay ang tinutuluyang Athlete’s Village sa New Clark City.
Bagama’t, naging kontrobersiyal kamakailan, pinuri at ikinatuwa ng mga atleta at delegasyon mula sa ibang bansa ang mga pasilidad at serbisyo nito. Maraming bisita rin ang natuwa dahil bukod sa masarap ang pagkain, marami pa ang pagpipilian.
“World-class” ang pasilidad, puri ng ilang atleta. Hindi ba, mas nakakatuwa kapag pinupuri ng dayuhan ang inabala mo para sa kanila?
Sa totoo lang, hindi dapat minamasama ang mga kritisismo dahil ang layunin nito ay hindi para ibaba ang tingin sa ating bansa kundi para masolusyunan agad ang mga problema.
Kung walang pupuna, baka hindi maayos ang mga ito. Tandaan, hindi lang mamamayan ang nag-o-observe sa ganitong okasyon kundi ang mga bisita mismo na dumayo pa mula sa iba’t ibang bansa.
◘◘◘
Sang-ayon tayo na may tamang panahon para sa imbestigasyon hinggil sa mga isyu at iba pang kontrobersiya kaugnay sa ginaganap na 30th SEA Games sa bansa.
Hindi nakapagtataka na isa sa mga sinisisi ng mga organizers ay ang nakaraang administrasyon o ang mga miyembro ng oposisyon. May posibilidad umano na sila ang may pakana kung bakit lumaki ang mga isyu.
Pero sa tingin natin, dapat tingnan muna nila ang kanilang sariling pagkukulang bago magturo ng iba o maghanap ng masisisi.
Siguradong may sapat silang panahon para paghandaan ang malaking event na ito. Hindi ito basta gaganapin nang walang mga pagpaplano.
Gayunman, nangyari na ang mga nangyari, ang mahalaga ay may natutunan ang bawat isa, maging aral sana ang mga kamalian. Lahat ay may pagkukulang, pero imbes na mag-focus sa mga ‘yun, pagtuunan muna natin ng pansin ang pagsuporta sa ating mga atleta.





Comments