Tolentino, nagbalik sa Ateneo volleyball

Tila dininig ng langit ang naging panalangin ni Ateneo de Manila University women’s volleyball coach Oliver Almadro na sana ay magbago ng isip ang kanilang manlalarong si Kat Tolentino sa desisyon nitong hindi na lumaro sa huling taon niya sa UAAP.
Sa pinakahuling ulat na naglabasan, nagdesisyon ang Fil-Canadian spiker na magbalik at maglaro sa kanyang huling taon ng eligibility para sa Lady Eagles matapos nitong magpaalam noong Mayo.
Ngunit kahapon, sa naging panayam sa kanya ng ABS-CBN Sports , inihayag ni Tolentino ang pagbabago ng kanyang desisyon at sinabing maglalaro siya upang tulungan ang Lady Eagles na idepensa ang kanilang titulo.
Inaasahang malaking bagay ang desisyong ito ni Tolentino para sa Ateneo na nangangailangan ng liderato ng isang gaya niyang beterana makaraang magsi-graduate noong isang taon nina Bea de Leon at Maddie Madayag.
Tiyak na kaisa ni Almadro na nasisiyahan ang Ateneo community sampu ng fans at taga-suporta ng Lady Eagles sa pagbabago ng desisyon ni Tolentino.
Matatandaang nagpahayag si Almadro matapos ang pagpapaalam ni Tolentino noong Mayo na hindi siya nawawalan ng pag-asa na magbabago ng isip ang manlalaro at gagabayan ito ng Diyos para sa dapat nitong gawin.





Comments