PHL Polo Team, sure silver, finalist na!

Photo: pna.gov.ph
Nakasisiguro na ng silver medal ang koponan ng Philippine Polo team matapos talunin ang Indonesia sa iskor na 6-4.5, kahapon sa 4-6 goals mixed event sa pagsisimula ng 30th SEAG na idinaraos sa Calatagan, Batangas.
Pinamunuan ni Augustus “Gus” Aguirre sa kanyang 4 points at handa nang harapin ang Malaysia sa championship match sa Linggo (Dis. 1), matapos talunin ang bansang Brunei, 8-5.5 sa 2nd game.
Nakuha ng bansa ang unang silya sa Finals matapos ang dalawang panalo laban sa Malaysia (8.5-5) at mas mataas na accumulated points kahit pa man tinalo sila ng laban sa Brunei via 8.5-8 dahil sa penalty noong Linggo, Nob. 24. Pipiliting makuha ng grupo ni Aguirre, captain Tomas Vicente Bitong, Stefano Juban at Eduardo Miguel Lopez ang unang gintong medalya sa biennial meet para sa Pilipinas, gayundin ang muling makaulit sa defending champion na 2017 Kuala Lumpur Games na Malaysia.
Samantala, muling susubukan ng 2017 meet bronze medalist na Brunei na makuha ang gold medal laban sa Indonesia.
Sa iba pang laro, muli na namang nakatikim ng pagkatalo ang women’s floorball at women’s water polo matapos yumukod sa kani-kanilang mga asignatura. Nabigo ang women’s floorball sa defending champion Singapore sa iskor na 1-8 sa preliminary rounds sa UP College of Human Kinetics Gymnasium.
Pinamunuan ni Hui Hui Ong ang atake ng Singapore nang kumana ito ng magkasunod na goals sa 45 seconds at 3:50 ng first period upang pasimulan ang dominasyon ng koponan. Sinundan ito ng mga puntos mula kina Tifanny Ong, Michelle Lok, Amanda Yeap at Swe Ling Ong. Isang goal lang ang nakuha ng Pilipinas mula kay reserve Jerylou Berdan sa 56:02 ng huling yugto.
Patuloy namang walang nakukuhang panalo ang koponan ng Philippine Sirens sa women’s Water Polo nang muling malunod ito laban sa powerhouse at defending champion Thailand, 5-32 sa ginaganap na double-round robin elims sa New Clark City Aquatics Center sa Capas, Tarlac.
Hindi nagawang makasabay ng Sirens sa bilis at galing ng Thai swimmers sa pagbato ng bola sa goal ng maaga pa lang ay dominahin na nila ang laban sa 7-2 sa first quarter. Lalong lumaki ang agwat nito nang muling kumana ng 9 puntos ang Thais sa 2nd quarter para lumobo ang lamang sa 12 sa 16-4 sa pagtatapos ng unang kalahati ng laro.
Nanatiling wala pa ring talo ang Thailand na may 2-0 na at sunod na makakalaban ang silver medalist na Singapore sa Biyernes ng umaga.
Susubok ngayong Biyernes, na makausad ang PHL men’s water polo team laban sa Singapore ng 7 pm match, habang magsisimula ang aksyon sa sand court sa men and women’s volleyball sa Subic Tennis Court at men and women’s Ice Skating senior singles event sa SM Megamall Ice Skating Rink ng 4 pm
Tatapatan ng women’s at men’s floorball team ang Malaysia sa UP CHK sa Q.C. ng 10 pm at 7 pm scheduled game. Maghahanap ng panalo ang women’s Netball team laban sa Brunei Darussalam ng 3 pm game sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna, habang importanteng laro ang kailangan ng Young Azkals at Malditas laban sa Malaysian squad sa hiwalay na 8 pm match sa Rizal Memorial Stadium sa Manila at Biñan Football Stadium sa Laguna.





Comments