Pagtitipid, baka buhay ang kapalit, esep-esep din!
- Ryan B. Sison
- Nov 29, 2019
- 2 min read

Kilala tayong mga Pinoy bilang malikhain.
‘Yung tipong kahit kapos ang budget ay pipiliting maghanda at magkaroon ng Christmas decorations para maramdaman ang pagdating ng Pasko kaya hangga’t kayang magtipid ay mumurahing pandekorasyon lang ang bibilhin at isasabit sa bahay.
Ngunit, hindi sa lahat ng pagkakataon ay wais na desisyon ang pagtitipid dahil kapag nasobrahan ay maaaring mauwi sa sakuna.
Kamakailan, sunud-sunod ang napabalitang sunog sa Metro Manila, partikular sa Makati at Valenzuela City at karaniwang sanhi ng mga ito ay Christmas lights.
Habang papalapit ang kapaskuhan, marami tayong kababayan na todo-bigay sa pagkakabit ng mga dekorasyon at minsan, pinapatulan ang mumurahing Christmas lights na ibinebenta sa mga bangketa.
At dahil mura, karamihan sa mga ito ay depektibo at hindi dumaan sa quality control.
Nagkalat ang mumurahing Christmas lights sa iba’t ibang pamilihan sa Metro Manila at dahil ibinebenta ito sa murang halaga o halos kalahati ng presyo sa mga mall, naeengganyo ang mga konsyumer na bumili nito.
Paalala sa publiko, huwag tangkilikin ang mumurahing pandekorasyon, lalo na ang Christmas lights dahil karamihan sa mga ito ay takaw-sunog, ‘Yung tipong maninipis ang wire na ginamit at kapag nagdikit sa ibang kagamitan ay mabilis nang kakalat ang apoy.
Nagbabala na rin ang mga awtoridad na huwag basta-bastang bumili ng Christmas lights sa murang halaga.
Payo ng Department of Trade and Industry (DTI), bumili lamang ng mga produktong may ICC markings.
Panawagan sa taumbayan, kapag masyadong mura ang produkto, huwag nang makipagsapalaran.
Tipong nakatipid ka nga, pero bukas-makalawa, bahay mo naman ang masusunog dahil sa produktong ito. Tsk!
Kung gusto ninyong maglagay ng mga dekorasyon kahit kapos sa budget, oks lang pero maging maingat sa mga ikakabit, lalo na sa mga pandekorasyon na kailangan ng kuryente.
Kung afford ninyong bumili sa mall, doon na lang bumili dahil mas siguradong ligtas ito.
‘Ika nga, walang pinipiling panahon ang sakuna tulad ng sunog kaya pakiusap sa lahat, maging choosy sa pagbili ng pandekorasyon at kung hindi afford, humanap na lang ng alternatibo nang hindi kailangang itaya ang buhay at kaligtasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments