Lalaki nag-amok sa iskul.. Pulis dedbol, 10 pang estudyante nadale

Photo: Francis Vencent Ferrer
Dedbol ang isang pulis matapos masabugan ng inihagis na granada ng lalaking nag-amok sa loob ng iskul sa Initao, Misamis Oriental.
Lasog ang biktimang si Police Master Sergeant Jason Magno sanhi ng mga tumamang shrapnel mula sa sumambulat na granada.
Binawian ng buhay si Magno sa ospital habang ito ay nasa kalagitnaan ng operasyon, samantalang, napatay din ng ilang mga pulis na rumesponde ang nag-amok na lalaki.
Bukod sa pulis at suspek na kapwa nasawi sa insidente, sugatan naman si Police Master Sergeant Alice Balido at sampung iba pang estudyante ng Initao Community College sa Bgy. Jampason.
Ayon kay Police Captain Princess Joy Enriquez Velarde, nangyari ang insidente pasado alas- 11:00 kahapon ng umaga sa nasabing paaralan.
Rumesponde ang mga miyembro ng Initao Municipal Police Station (MPS) sa kaguluhan dahil sa pagwawala ng isang lalaki na may hawak na granada.
Gayunman, nang makita ng suspek ang mga parating na pulis ay agad nitong tinanggalan ng pin ang hawak na granada at inihagis ito sa mga pulis kung saan malapit sa pulutong ng mga estudyante na nakikiusyoso sa kaguluhan.
Malapitang sumabog ang granada sa dalawang pulis, gayundin sa mga estudyante kung saan kasabay na pinaputukan ng suspek na wala pang pagkakakilanlan.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang dahilan ng pag-aamok ng lalaki.





Comments