Inuna ang yabang, bagsak naman sa pag-welcome sa mga delegado ng SEA Games
Patung-patong ang mga isyu at problema sa pagiging punong-abala ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games ngayong taon.
Unang lumutang ang problema sa hotel accommodation ng mga delegasyon mula sa ibang bansa. Ayon sa ulat, may delegasyon na hindi agad nabigyan ng mga kuwarto dahil maagang dumating ang mga ito at puno ang hotel kaya napilitan silang maghintay.
Nagreklamo rin ang National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) na hindi tinalakay nang maayos ang pagbigay ng pagkaing halal sa mga Muslim na atleta. Gayundin, nagreklamo ang opisyal ng Singapore na hindi sapat at walang masyadong pagpipiliang pagkaing halal sa hotel na kanilang tinutuluyan.
Samantala, ang delegasyon naman mula sa Malaysia ay nagdala na lang ng sariling pagkain dahil hindi raw sila sigurado kung may halal na pagkain para sa kanila.
At lahat ng ito ay hindi lamang pinagpiyestahan mula sa social media kundi maging sa iba’t ibang pahayagan mula sa ibang bansa.
Kaugnay nito, humingi ng paumanhin ang opisyal ng organisasyon na humawak sa SEA Games, pero ipinagtanggol din na sa murang halaga ay magagandang hotel ang tinutuluyan nila.
Sa totoo lang, hindi bago na magbigay ng kaliwa’t kanang dahilan ang opisyal na ito. Nagsimula na ang sisihan.
Nabalitaan natin na ang ‘kaldero’ (cauldron) na gagamitin sa nasabing okasyon ay milyones ang halaga, dahil ba rito ay maituturing nang “world-class” ang pagho-host ng Pilipinas?
Malamang, ang iba’t ibang delegasyon na lang ang maghuhusga kung “world-class” talaga ang galing sa pagho-host ng Pilipinas.





Comments