P2.7 bilyong shabu buking sa dog food packaging

Photo: Abs-cbn News
Tinatayang P2.7 bilyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa buy-bust operation sa isang apartment sa Makati City.
Nasa kustodiya ngayon ng tanggapan ng DEG sa Camp Crame sa Quezon City ang suspek na si Liu Chao, nasa hustong gulang, Chinese national, ng Bgy. San Antonio, Makati City.
Ayon sa inisyal na ulat ni PNP Officer-in-Charge, Lieutenant General Archie Gamboa, alas- 11:45 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang PNP-DEG personnel sa apartment unit ng dayuhan.
Sa imbestigasyon, natuloy ang transaksiyon sa pagitan ng Chinese at ng poseur-buyer nang biglang mahalatang pulis ang kanyang katransaksiyon sa isang kilo ng shabu.
Dali-daling tumakbo ang dayuhan sa kanyang kuwarto kaya natuklasan pa ang nasa 400 kilos ng hinihinalang shabu na may street value na P2.7 na nakasilid pa sa mga tea bag, dog food packaging, maleta at cabinet.
Ayon kay Lt. Gen. Gamboa, posibleng galing sa ibang bansa ang naturang droga at ginagawang bodega lamang ang naturang unit dahil nalansag na umano ang mga shabu o drug laboratories sa bansa. Hindi pa batid ng PNP kung paano nakapasok o nakapuslit ang ganung karaming droga sa bansa.





Comments