top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Microentrepreneurs, nanawagan kay P-Duterte at sa mga Senador R.A 10693 palakasin

  • Gina Pleñago
  • Nov 28, 2019
  • 3 min read

Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng sektor ng maliliit na negosyante, mahigit 10,000 lider ng microentrepreneurs ang nagtipon sa harapan ng gusali ng Senado upang iapela kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa mga senador na huwag nang baguhin ang R.A 10693.

Ang mga miyembro ng microentre­preneurs ng iba’t ibang Microfinance Non-Government Organizations sa ilalim ng pinakamalaking microfinance networks sa buong bansa, kabilang ang APPEND, Inc. (Alliance of Philippine Partners in Enterprise Development) at ang Microfinance Council of the Philippines, Inc. (MCPI).

Ang mga nanay na lumahok ay mula pa sa Nueva Ecija, Bacolod, Laguna, Antipolo, Cavite at sa mga lungsod sa National Capital Region.

Nagsanib-puwersa sila upang magdasal at ibulalas ang hindi magandang magiging resulta ng House Bill 304 (PIFITA Bill) na nagtutulak upang baguhin ang Section 20 ng R.A 10693 at iba pang mga Republic Acts, Executive Orders at Presidential Decrees na kabilang sa komprehensibong programang pagpapataw ng buwis ng pamahalaan.

Nang ipasa ang RA 10693 noong Nobyembre 3, 2015 o ang tinatawag na An Act Strengthening Non-government Organi­zations Engaged in Microfinance Operations for the Poor, nai­turing itong isang pagkilala sa naipasang batas na nakatuon sa panuntunan ng pamahalaan na pagsusulong sa programang labanan ang kahirapan kung saan ang mahihirap na pamilyang Pilipino ay mahihikayat na sumanib sa maliitang pagnenegosyo upang makamit nila ang mga pangunahing panga­ngailangan.

Ito’y mapagtatagumpayan lamang sa pamamagitan ng pagsuporta at paglilingkod sa mga kuwalipikadong Microfinance NGOs na nagtataguyod sa pagtulong para sa pananalapi ng mga mahihirap sa pamamagitan ng pautang at iba pang panuntunan at mekanismo.

Ang bilang ng mga microentrepreneurs na nagtipon ay kumakatawan sa 6.5 milyong miyembro ng microfinance na napagsilbihan ng NGOs sa buong bansa at kabilang sa APPEND, Inc. at MCPI.

Ang pinakamahalagang probisyon sa Section 20 ng naturang batas ay ang pagka­kaloob ng maliit na pagbabayad ng buwis lalo na sa NGOs na nangangasiwa sa operasyon ng microfinance sa mga mahihirap at sa mga may maliliit lamang na sahod kung saan ang rehistrado at accredited na macrofinance NGO ay magbabayad lang ng 2% buwis kapalit ng lahat ng pambansang buwis, batay sa kabuuang resibo mula sa operasyon ng microfinance.

Ito’y bilang pagkilala sa napakalaking nagawa ng MF NGOs sa loob ng 38 taon na tagapagtaguyod ng pagpapaunlad ng lokal na negosyo at pagtulong sa pamahalaan na mapag­tag­umpayan ang paglaban sa kahirapan.

Ayon kay APPEND Board Chair Angle L. De Leon, Jr. ang MF NGOs at ang micro­entre­preneurs ay nakikinabang sa ipinagkakaloob na uri ng pagbabayad ng buwis sa ilalim ng R.A 10693.

Bilang non-stock, non-profit na organisasyon, ang Microfinance NGOs ay nakikinabang sa mababang buwis na napupunta sa karagdagang ipon na magagamit upang mapagtagumpayan ang layuning tumulong sa maliliit na negosyante hindi lamang sa pamamagitan ng pagpapautang kundi pagkakaloob ng mga serbisyong pang­komunidad.

Kinatigan naman ni Jeng P. Juan, pangulo ng APPEND na mula nang maipasa bilang batas ang RA 10693, ang microfinance NGOs ay napalago ang salaping iginugugol sa pagka­kaloob ng serbisyo sa komudidad na umabot sa P476.6 milyon na kumakatawan sa 82% ng tatlong taong paglago ng negosyo.

Sinabi naman ni Allan Robert Sicat, Executive Director ng MCPI na lumaki ng 62% ang mga microentrepreneurs habang ang halaga ng pautang na ipinagkaloob sa mga maralitang may kakayahang magtayo ng maliit na negosyo ay umabot sa 103%.

Bukod dito, kung aalisin ang tinata­masang pagkakaloob ng mababang bayad sa buwis ay tiyak na matatanggal din ang pagkakaloob ng serbisyong pang-komu­nidad ng mga microfinance NGOs na karaniwan nang natatanggap ng kanilang miyembro.

Matatanggalan din ang mga maralitang nagpapaunlad ng kanilang negosyo ng kinakailangan nilang non-financial services pati na ang karagdagang babayarang interes sa kanilang mga utang sa maicrofinance.

Kapag mataas ang interest rates ng baba­yarang utang ng mga micro­entrepreneurs, katumbas ito ng kanilang mababang kita at kakulangan ng maihahaing pagkain sa hapag-kainan at maaapektuhan din ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

Ang layuning mapalago ang maliit na negosyo ay magiging imposible kung ang malaking bahagi ng kanilang kita ay mapupunta lamang sa pagbayad ng malaking interes ng salaping kanilang inutang.

Sa oras na mawalan ng kumpiyansang umutang ang mga microentrepreneurs sa MFI NGOs, magiging daan ito upang bumalik sila sa pangungutang sa mga nagpapa-5-6.

Umaasa ang mga microentrepreneurs na hindi ibibilang ng Senado sa bersiyon nila ng PIFITA Bill ang RA 10693 mula sa panukalang tax reform upang matiyak na ang mga accredited microfinance NGOs ay makapagpapatuloy na makapaglingkod sa pamahalaan at maging epektibong katuwang sa paglaban sa kahirapan at pagkakaloob ng disenteng pamumuhunan sa mga nanay at microentrepreneurs.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page