top of page

Mga sintomas ng myoma

  • Shane M. Ludovice, M.D
  • Nov 28, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Ilang araw nang sumasakit ang aking balakang, lumalakas din ang aking regla at kahit tapos na ito ay nag-i-spotting pa rin ako. Ang sabi ng doktor sa health center ay bumalik daw ako sa kanya dahil posibleng myoma raw ito, pero kailangan pang masuri. Sa totoo lang ay natatakot ako sa mga posibleng mangyari kaya ayaw ko nang bumalik para mag-follow-up. Ano ang mga sintomas ng myoma? — Lydia

Sagot Ang myoma (uterine fibroids; myoma uteri) ay mga bukul-bukol na umuusbong sa matris ng babae sa mga taong maaaring magdalantao. Hindi ito kanser at hindi nakamamatay na sakit subalit ito ay maaaring magdulot ng kirot o sakit sa puson at pagbabago sa monthly period. Gayunman, karamihan ng babaeng may myoma ay walang nararanasang sintomas.

Ano ang sanhi ng myoma at sino ang posibleng magkaroon nito?

Hindi pa lubusang naipaliliwanag ang pagkakaroon ng myoma. Ang kasalukuyang paliwanag ng myoma ay dulot ng kombinasyon ng ‘genetics’ (nasa lahi) at hormones sa katawan.

Ayon sa pag-aaral, kapag ang pasyente ay nabuntis noong nakaraan, bumababa ang posibilidad na magkaroon siya ng myoma. Ang paggamit ng pills o OCP para sa family planning ay maaaring makababa ng risk sa myoma, ngunit marami pang pag-aaral ang kailangang gawin upang matiyak ang mga ito.

Ano ang mga sintomas?

  • Pagbabago sa monthly period tulad ng dinudugo ng mas grabe, imbes na 3-4 araw, tumatagal ito ng isang linggo o higit pa.

  • Masakit o makirot na pakiramdam sa bandang puson o pantog o sa balakang at mga hita.

  • Mga pagbabago sa pag-ihi tulad ng mas madalas na pag-ihi, mahapding pag-ihi, hirap ilabas ang ihi o binabalisawsaw.

  • Mga pagbabago sa pagdumi, partikular ang pagtitibi.

  • Masakit o makirot ang ari habang nakikipagtalik.

Alinman sa mga nabanggit, kung nakasasagabal sa pasyente at hindi mawala-wala, makabubuti kung magpapatingin agad sa doktor para masuri ito, gayundin upang maagapan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page