Dagdag-sahod sa mga guro, now na sana
- Kuya Win Gatchalian
- Nov 28, 2019
- 2 min read

Hindi kaila sa marami na isa sa mga matatag na pundasyon ng magandang kinabukasan ay ang edukasyon. At isa sa mga daan upang makamit ito ay walang iba kundi sa pamamagitan ng ating mga guro. Sila ang nasa likod ng karunungan, kasanayan at katalinuhan ng mga mag-aaral. At dahil sa kanilang determinasyon at walang sawang paggabay kaya nahuhubog ang kabataan para sa magandang disposisyon sa buhay.
Malaki ang impluwensiya ng mga guro sa kabuuang pagkatao ng kanilang mga tinuturuan, kaya dapat lamang na matanggap nila ang kabayaran na karapat-dapat para sa kanilang katangi-tanging sakripisyo at dedikasyon sa napiling propesyon. Ngunit, sa kasalukuyan ay hindi pa rin ito sapat.
Kamakailan lang sa policy forum na pinamunuan ng Civil Society Network for Education Reforms (E-Net Philippines) at Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture kung saan chairman ang inyong lingkod, inilahad natin na kailangang itaas ang suweldo ng mga guro dahil napag-iiwanan na ang Teachers I, II at III pagdating sa pay gap kumpara sa Master Teachers I, II at III.
Ito ang dahilan kung bakit nais nating marebisa agad ang Republic Act 4670 o Magna Carta for Public School Teachers. Matutugunan nito ang matagal nang hinaing ng ating mga guro na mababang sahod at labis na sakripisyo sa kanilang trabaho.
Sa 27 probisyon ng naturang batas, 11 ang naipatupad, habang siyam ang bahagya pa lamang naipalaganap at pito ang hindi pa naipatutupad.
Ang sahod ng Teacher I na nasa ilalim ng Salary Grade (SG) 11 ay umaabot ng P20,754 kada buwan. Nasa ilalim naman ng SG 18 ang buwanang sahod ng Master Teacher I na umaabot sa P40,637.
Naniniwala tayong ang Republic Act 4670 ang tugon sa matinding pangangailangan na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga guro. Ito ay base na rin sa rekomendasyon ng International Labor Organization (ILO) at United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) kaugnay sa tunay na estado ng mga guro mula pa noong 1966.
Layunin ng nasabing batas na pagbutihin ang estadong panlipunan at pang-ekonomiya ng mga guro, paunlarin ang kanilang pamumuhay at paghahanapbuhay, siguraduhin ang posibleng trabaho na maaari nilang makuha at naaayon ang kanilang kontrata sa institusyong pinapasukan.
Bukod pa sa mababang sahod, problema rin ang kawalan o kakulangan ng ibang benepisyo tulad ng special hardship allowance, hazard pay at taunang libreng check-up at pagpapaospital.
Sa kabilang banda, hindi lahat ng mga probisyon ng batas ay kinakailangang pondohan para maisakatuparan. Isa na rito ang usapin sa oras ng trabaho ng mga guro kung saan hinihikayat ang Department of Education (DepEd) na pag-aralang mabuti ang polisiya tungkol dito.
Bilang tugon sa mithiing ito, maghahain ang inyong lingkod ng resolusyon para magsagawa ng pagdinig tungkol sa pagrebisa ng Magna Carta for Public School Teachers.
Isang malaking hakbang itong maituturing. Uulitin natin, hindi lang suweldo ang tinitingnan natin dito kundi maging ang iba pang mahahalagang pangangailangan ng mga guro.
Sama-sama nating isulong ang mithiing ito. Naniniwala tayong sa talento at kasanayang ipinakikita ng mga guro, maituturing natin silang pang-world-class.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments