top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

CCTV, wa’ ‘wenta sa krimen kung walang nagmo-monitor

  • Ryan B. Sison
  • Nov 28, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Noon pa man, may naibabalita nang mga batang nawawala at isinasakay sa van.

May mga nagsasabing sindikato ang gumagawa nito para maibenta ang internal organs at may naniniwala namang kidnap for ransom ang motibo.

Ngunit, kamakailan ay muling umingay ang diumano’y pandurukot sa mga bata na isinakay sa van.

Matapos kumalat ang sunud-sunod na posts ng mga kaanak ng nawawalang kabataan sa Pasay City, kinumpirma nina Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano at Pasay Police Col. Bernard Yang ang kaso ng 9 (updated na bilang mula sa unang napabalitang pito) nawawalang kabataan na nasa edad 15 hanggang 23.

Inatasan na ng alkalde ang pulisya na magsagawa ng malalimang imbestigasyon at resolbahin ang pagkawala ng mga ito.

Samantala, nagpahayag ng pagkabahala ang mga magulang kaya upang hindi na ito maulit at masolusyunan, nagbigay ng kani-kanilang suhestiyon ang mga ito.

Bagama’t, malaking tulong ang CCTV cameras sa ganitong pagkakataon, tila wa’ ‘wenta na ito dahil sa halip na mapigilan ang ganitong sitwasyon, nagiging ebidensiya na lang ito kapag tapos na ang insidente.

Ang nangyayari, walang nagmo-monitor kaya kahit may mga CCTV sa bawat kalye o kapag may nakawan o gulo ay hindi ito naaagapan.

Anuman ang rason sa pagkawala ng mga batang ito, magsilbi sana itong babala sa publiko na maging maingat saanman magpunta. At para sa mga magulang naman, i-monitor ang ating mga anak kung saan sila nagpupunta at kung maaari, ihatid o sunduin, lalo na kung late nang makakauwi.

Sa mga ganitong pagkakataon, napakahalaga ng pagiging mapagmatyag at alerto sa anumang oras.

Panawagan din sa pamahalaan, bigyang-pansin ang seguridad ng mga nasasakupan— maglagay ng mga checkpoint, magtalaga ng tauhan na magmo-monitor sa mga CCTV at reresponde.

Sa totoo lang, hindi lang sa lokal na pamahalaan dapat iasa ang seguridad ng mamamayan dahil ibayong pagtutulungan ng pamahalaan at taumbayan ang kailangan para hindi na madagdagan pa ang ganitong insidente sa bansa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page