Raga, naka-podium sa All-Japan C’ships

Pinatunayan ni Anton “The Dragon” Raga ng Pilipinas na lehitimong world class na bilyarista na siya matapos niyang hablutin ang isang upuan sa podium ng maigting na bakbakan sa 2019 All Japan Championships na nasaksihan sa Archaic Hall ng Hyogo, Japan.
Matatandaang kailan lang ay nakuha ng manunumbok mula sa Cebu ang pangalawang puwesto sa 2019 China 9-Ball Open at naging dahilan ito para makapasok siya sa piling listahan ng mga cue artists na nasa top 10 ng World Fargo Ranking. Sa kasalukuyan ay si Raga ang nangungunang manlalaro mula sa Pilipinas dahil siya ay nasa pang-anim na baytang habang sina Dennis Orcullo at Carlo Biado ay nasa pangsiyam at pang-10 puwesto ayon sa pagkakasunod-sunod.
Sa sagupaan sa Japan na nilahukan din ng mga batikang bilyaristang tulad nina Thorsten Hohmann (Germany), Mika Immonen (Finland), World Pool Billiards Assoaciation (WPA) no. 4 Biado, dating All Japan titlist na si Johann Chua, WPA no. 11 Jung Lin Chang (Taiwan), Naoyuki Oi (Japan) at Aloysius Yap (Singapore), pinaka-prominente sa mga pinabagsak ni Raga ay ang pambato ng Taiwan na si dating World 10-Ball champion Pin Yi Ko, 11-2, sa kanilang round-of-16 na duwelo. Tumiklop din kay Raga sina Isao Yuyama ng Japan (9-5, elims); Toshiyuki Wada mula pa rin sa punong-abala, (9-2, elims); ang Intsik na si WPA no. 10 Wu Jiaqing, (11-10, round-of-32); at ang Hapones na AI Masato Asano (11-7, round-of-64).
Dalawang pambato ng China (Zheng XiaoHuai at Dang Jun Hu) ang mga nanguna sa torneo. Gayunpaman, ang pagiging pangatlo ni Raga ay nagsilbing pagpapatuloy ng magandang tradisyon ng Pilipinas sa paligsahan. Noong 2018, si “Black Tiger” Biado ay tumersera rin habang noong 2017, pumangalawa si “Bad Koi” Chua.





Comments