P183 milyong budget sa pagkain sa SEA Games, kikiam, kanin at itlog lang pala
PAGKATAPOS NG SEA GAMES, TROPANG CAYETANO, GISA ANG AABUTIN KAY SEN. ‘BONG’ GO—Nabuwisit na si Sen. Christopher “Bong” Go sa mga kapalpakan at napaulat na korupsiyon sa 30th SEA Games na pinangasiwaan ng bansa at dahil d’yan ay sinabi niya na pagkatapos ng palaro ay iimbestigahan ng Committee on Sports ang mga kontrobersiya at papanagutin ang mga taga-PHISGOC (Philippine SEA Games Organizing Committee) na pinamumunuan ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Dahil d’yan, asahan na kahit kaalyado, gisa ang aabutin ni Speaker Cayetano kay Sen. “Bong” Go, abangan!
◘◘◘
KUNG BUHAY SI MAÑOSA, BAKA NAMURA NITO SI CAYETANO —Sabi ni Speaker Cayetano, dapat daw, tantanan na ang pambabatikos sa kanya sa ipinagawa nilang P55 milyong kaldero (cauldron) dahil ang namayapang National Artist na si Arch. Francisco “Bobby” Mañosa naman daw ang nagdisenyo nito.
Kung buhay lang si Mañosa, malamang namura nito si Speaker Cayetano kasi kahit siya ang nagdisenyo nito ay mali na kaladkarin ng House Speaker ang marangal niyang pangalan sa milyones na kaldero, boom!
◘◘◘
MAHIGIT P183 MILYON ANG BUDGET SA TSIBOG NG PHISGOC, PERO 'KIKALOG' LANG ANG IPINAKAIN SA MGA ATLETA—Ang latest na banat ng mga atletang Pinoy at dayuhan ay ang pagkaing 'kikalog' (kikiam, kanin at itlog) na inihanda sa kanila ng PHISGOC.
Siguro “national artist” din ang nagluto niyan kasi mantakin ninyo, ang budget na inilaan ng grupo ni Speaker Cayetano sa mga atleta ay mahigit P183 milyon, tapos 'kikalog' lang ang ipinakain sa kanila, buwisit!
◘◘◘
MAGLO-LOTTENG NA NANRARAKET SA MGA MAHIHIRAP SA QC, DAPAT ITOKHANG NI COL. SORIANO —Patuloy daw ang operasyon ng raket na lotteng ni “Nestor” at ang binibiktima raw nito ay mga mahihirap na residente sa Agham Road, Bgy. Bagong Pag-asa, Quezon City.
Paging QCPD-Station 2 Lt. Col. Rodrigo Soriano, paki-”tokhang” si “Nestor” para matigil na ang panraraket nito sa mga maralitang taga-Bgy. Bagong Pag-asa, plis lang!





Comments