Mga titser, unahing turuan ng tamang pagtuturo ng sex education bago ang mga estudyante

Sa pagpapatuloy ng pagtaas ng teenage pregnancy sa bansa, kani-kanyang suhestiyon ang taumbayan at pamahalaan para maibaba ito. Gayundin, para mamulat ang kabataan sa pangmatagalang epekto nito.
May nagsusulong ng sex education, paghihiwalay ng classroom ng mga babae at lalaki at kamakailan, isinusulong ang pagbibigay ng access ng mga menor-de-edad sa mga contraceptives.
Kaugnay nito, pinanood ng porno ng isang guro ang kanyang Grade 10 students sa Ajuy, Iloilo dahil ito umano ang paraan niya para ituro ang sex education at pinatunayan ito ng mga mag-aaral.
Agad namang nagpahayag ng pagkabahala si Ajuy Mayor Jett Rojas at nang nakausap nito ang pamunuan ng paaralan, nanindigan ito na bahagi lang ng pag-aaral ang panonood ng naturang video.
Naiintindihan natin ang kagustuhan ng guro na mamulat ang mag-aaral, pero hindi natin kontrolado ang kanilang curiosity.
Samantala, maraming magulang ang naniniwalang hindi na dapat itong gawin ng guro dahil may ibang paraan para magturo ng sex education sa mag-aaral.
Hirit pa ng mga ito, dahil hindi natin kontrolado ang kanilang pag-iisip, baka lalong ma-curious ang mga ito at humantong pa sa teenage pregnancy.
Wala namang masama sa panonood ng video, pero sana ay educational at informative ito, gayundin, aprubado ng ahensiya.
Gayunman, naiintindihan natin ang mga magulang na nababahala para sa kanilang anak, pero wala naman sigurong problema kung sa bahay pa lang ay simulan na ang pagpapaliwanag nito sa kanila.
Panawagan natin sa ahensiya, bigyan ng malinaw na guidelines ang mga guro sa pagtuturo ng sex education dahil seryosong usapin ito para buksan ang isipan ng mga mag-aaral sa murang edad.
At kung kinakailangang sumailalim sa training at workshop ang mga guro para maiprisinta ito nang maayos sa mag-aaral, bakit hindi?
Huwag din nating kalimutan na ang layunin nito ay para mabawasan ang teenage pregnancy sa bansa kaya sana ay magkaroon ng maayos at malinaw na paraan ng pagtuturo nito sa mag-aaral.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments