Mga kapalpakan sa SEA Games mas mabenta kesa sa karangalan ng Pinoy athletes
Pumapalag na ang ordinaryong mamamayan kaugnay sa hindi patas na trato sa gaganaping 30th SEA Games.
Nasasapawan ng mga negatibong post sa social media ang kalidad ng mga atletang Pinoy na lalahok sa biennial meet!
◘◘◘
MARAMING sports journalists ang nagpa-accredit sa media center ng 30th SEA Games.
Pero, wala sa mga ito ang nagpo-post kung sinong atleta ang liyamado sa gold medals!
◘◘◘
ABERYA sa biennial meet naman ang pinagpipiyestahan ng mga netizens imbes na ang husay at galing ng mga atleta.
Free-for-all kasi ang impormasyon sa social media.
Hindi ito nasasala ng mga editor o publisher!
◘◘◘
SA social media — ang writer ay siya ring editor at publisher.
Hindi ganyan ang proseso sa main stream media!
◘◘◘
KAHIT kaunting bagay ay pinalalaki sa social media na tila ang daigdig ay “perfect”.
Sa ibang bansa, dinidepensahan ng mga journalists o netizens ang kanilang nasyon kapag sinisiraan ito.
Sa Pilipinas, ang mismong Pinoy ang nagwawasak sa sarili nilang kultura at tradisyon!
◘◘◘
KARANIWANG nagkakaroon ng aberya sa lahat ng kompetisyon.
‘Ika nga ni dating Azkals player Alejandro Baldo, Jr., naranasan nilang itulak ang kanilang sasakyan papuntang sports event sa Thailan.
Nagkaroon din sila ng problema sa pagkain at kung anu-ano pang aberya!
◘◘◘
AYON mismo kay Badminton national athlete Antonio Cayanan, namroblema rin sila sa pagkain, transportasyon at dinala rin sila sa maling hotel sa ginanap na 2017 Malaysian SEA Games na nasolusyunan din habang idinaraos ang palaro.
Kahit mismo si PSC Commissioner Ramon Fernandez ay nagkuwento sa nangyaring food poisoning sa Malaysian SEA Games noong 2017 at ang problema sa transportasyon!
◘◘◘
DAPAT palutangin natin ang inaaning tagumpay ngayon ng Team Philippines sa SEA Games.
Tulad ng unang panalo ng Pilipinas na itinala ng Philippine Women's Football team noong Lunes.
May pumupuri ba sa social media?
◘◘◘
TAPUSIN na natin ang kalokohan ng ilang Pinoy.
Simulan nating palakasin ang loob ng mga atletang Pinoy.
Ito ay upang makopo ng Pilipinas ang overall medal tally at iangat ang ating bansa sa mapa ng daigdig!





Comments