Kahit binash dahil sa pagpapatanggal sa titser… Raffy: Hindi ako titigil!
Ronalyn Seminiano / Showbiz Trends

Photo: @raffytulfoinaction
Mainit pa ring pinag-uusapan ng madlang pipol, lalo na ng mga netizens ang issue tungkol sa lola at magulang ng batang dumulog sa tanggapan ni Raffy Tulfo para ireklamo ang isang guro kamakailan.
Noong Nov. 25, sinabi ni Raffy na halong lungkot, tuwa at galit ang naramdaman niya dahil sa nasabing isyu. Aniya, first time niyang naramdaman ang pagmamahal ng napakaraming followers ng kanyang programang Raffy Tulfo in Action.
Samantala, galit at lungkot daw ang kanyang naramdaman dahil napakaraming nang-bash sa bata after niyang mag-suggest na pag-resign-in at patanggalan ng lisensiya ang nasabing guro. Pero nilinaw din ni Raffy na na-realize niya ang pagkakamali niya kaya binawi niya ang suggestion na ‘yun at sinabi rin niyang hindi nag-resign, hindi rin natanggalan ng lisensiya at hindi nakasuhan ng child abuse ang guro.
Sabi ni Raffy, napakarami raw nakisawsaw sa issue at marami ring nakisimpatya sa guro, pero ni isa’y wala man lang nag-reach out sa pamilya ng bata, maging sa bata mismo na hindi na pumapasok nang ilang araw dahil sa stress na naidulot ng ginawa ng guro.
Ani Raffy, tila marami nang nakalimot sa batas na RA 7610 kung saan sinasabing bawal ang manakit ng bata, physically, emotionally o psychologically. Nabanggit din ni Raffy ang Child Protection Policy na 2012 memorandum order ng DepEd kung saan nakasaad ang karapatan ng mga guro na disiplinahin ang mga estudyante nang may kaukulang limitasyon katulad ng maltreatment sa lahat ng aspeto ng pagkatao ng bata.
Samantala, pinayuhan ni Raffy ang DepEd, “I think this is the time na ‘yung DepEd, tignan n’yo po ‘yung inyo pong memorandum order sa mga guro, sa mga eskuwelahan, na magbuo ng child protection committee. Do it now. Dahil sa memorandum order na ‘yan, mai-educate ‘yung mga guro kung ano ‘yung puwede nilang gawin at ano ‘yung hindi nila puwedeng gawin.”
Awang-awa raw si Raffy sa bata na dahil daw sa “lapse of judgment” niya ay na-focus na ang atensiyon ng mga netizens sa guro.
Ani Raffy, “Paano naman po si bata? Na siya naman talaga dito ang nabiktima? Siya po ay napahiya, he was humiliated.”
Marami raw ang nagsabing tama lang ang ginawa ng guro dahil maraming pasaway na bata at kelangan daw talagang saktan ang mga ito para matuto. Banat din ni Raffy, “Ganu’n ho ba kayong klase ng mga magulang? Dahil lang hindi ninyo kayang idisiplina ang inyong mga anak, so ipinapasa n’yo po ‘yung pagdidisiplina sa ibang tao, ‘di bale nang pahiyain, ‘di bale nang magka-trauma, ‘di bale nang paluin, ‘di bale nang bugbugin? Go, ahead, do it kung kinakailangan? Pumapayag po kayong ganu’n?”
Resbak naman ni Raffy sa mga nagsasabing anti-teacher daw siya, kung iri-rewind ang show niyang Wanted sa Radyo na more than 20 years na ay marami raw siyang nagawa para sa mga guro. Nabanggit din niya ang umano’y loan shark na nambibiktima ng mga guro at may kasabwat pang empleyado ng DepEd na inaksiyunan niya at dahil na-expose ang katiwalian na ‘yun, ito ay natigil.
Sinabi pa ni Raffy na pinagtiyagaan niyang basahin ang libu-libong komento ng mga netizens pero wala ni isang nag-alala sa bata.
Aniya, “What is going on? Ito ho ba ang klase ng society na meron na tayo ngayon? Victim blaming? Bine-blame pa ‘yung mga bata, eh, bina-bash ‘yung mga bata. Sa halip na kaawaan, bina-bash pa ‘yung bata.”
Ang masakit pa raw, mga nanay din ang karamihan sa mga namba-bash sa bata. Kaya ani Raffy, “I will not stop. Sa akala n’yo sa pag-bash-bash n’yo sa akin, I will stop helping the children or doing my job here? Heck no. Sue it yourself. Gawin n’yo po kung ano’ng gusto ninyong gawin pero gagawin ko po ‘yung trabaho ko and I will continue protecting the children, protecting them from abuses. Kelan ako hihinto? Kamatayan po ang magpapahinto lang sa akin.”
Panawagan ulit niya, “From now on, authorities, DepEd, women’s and children’s desk, tutukan n’yo po itong problemang ‘to.
“DepEd, i-implement n’yo na po. Kelangan po mangyari na po ‘yung tinatawag na child protection committee kasi wala pa po ‘yan.
“Please, ihinto n’yo na po ‘yung pamba-bash sa bata, ihinto n’yo na po ‘yung pamba-bash sa parents. I-bash n’yo ako, go ahead, make my day. Hindi po ako affected.”
Hindi naman daw kasi siya nang-scam, pumatay ng tao, nagnakaw, nanggahasa, etc. kaya hindi raw siya affected.
“Mang-bash pa kayo hanggang sa kayo po ay madurog na ‘yung inyong daliri, magkakalyu-kalyo na, it’s okay. Make my day. It’s not gonna affect me because I didn’t do anything. Wala akong ginawa. Kaya I’m not ashamed.
“Sa mga kinauukulan, I’m even calling Malacañang, kung puwedeng makialam na rito. Nananawagan din ako sa Women’s and Children’s Desk, sa DSWD. Please, kailangan pagtuunan po natin ‘yung kapakanan ng mga bata. Kailangan po tingnan natin kung sino talaga ang biktima rito.”
Banat ulit niya sa mga bashers na namba-bash sa bata, “Ano’ng klaseng tao kayo? Nakakahiya po kayo.”





Comments