top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Hindi cute ang dugyot

Bong Revilla
Nov 27, 2019
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Walumputwalo ang kumpirmadong binawian ng buhay habang 169 katao ang dinapuan ng meningococcemia sa buong bansa ngayong taon ayon sa ulat ng Department of Health (DOH).

Base sa inilabas na datos ng DOH-Epidemiology Bureau, mula Enero hanggang Septyembre 21 ngayong taon, ang ulat na 169 kaso ng meningococcemia na may 88 nasawi ay may case fatality rate na 52%.

Bahagya itong tumaas kung ikukumpara sa 162 kaso na naitala sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon na umabot lamang sa 78 ang nasawi at ang masaklap inaasahan pa rin nating hindi lalayo rito ang ilalabas na ulat sa darating na taon.

Ang pinag-uusapan natin ay meningococcemia pa lamang, paano na ang naglipanang mga sakit tulad ng polio, cholera, diarrhea, typhoid fever at Hepatitis A na ngayon, hindi malaman ng DOH kung paano ito sabay-sabay na ireresolba?

Nakaaalarma ang ulat ng DOH na sa kabuuang 42,045 barangays sa buong bansa ay nasa 4, 625 lamang ang mayroong sariling palikuran na tiyak na dahilan kaya naglipana ang iba’t ibang uri ng sakit sa mga barangay.

Hindi natin ma-imagine kung paano iniraraos ng tao ang kanyang buhay nang walang sariling palikuran at libu-libo silang nasa ganitong napakahirap na kalagayan na kanila nang nakasanayan.

Sa mga informal settlers, karamihan sa mga bata ay magkakatabing nakaupo sa kanal na walang pang-ibabang saplot at hindi na sila nahihiyang gawin ang doon na dumumi kahit marami ang nakakakita.

Ang mga medyo may edad na ay sa ilog pumupuwesto, ang iba ay sa mga sagingan, may mga naghuhukay, meron ding sa papel ibinabalot at pagsapit ng gabi ay sa ilog din itinatapon.

Marami pang kaparaanan ang halos hindi na maabot ng ating imahinasyon kung paano nila iniraraos ang buo nilang maghapon ngunit, iisa ang kahahantungan ng lahat — ang maruming kapaligiran na pinagmumulan ng mga sakit.

Sa ulat ng Philippine National Demographic and Health Survey noong 2017, lumalabas na 4.5 porsiyento ng mga Pinoy ay walang sariling palikuran at wala nang plano pang magpagawa ng sarili nilang magagamit.

Kumbaga, marami sa ating mga kababayan ang nakasanayan na ang dumumi sa kung saan-saan at ang iba naman ay bagama’t, mayroong palikuran, hindi naman malinis o presentable at kontento na sila sa ganito.

Kung tutuusin, sa halagang P1, 200 lamang ay maaari nang magpagawa ng maayos na palikuran ang pamilya, hindi man magarbo ngunit, puwedeng masiguro na ito ay malinis kahit payak man sa paningin.

Ang problema, ang mga kababayan natin ay mas inuuna pa ang mga bagay na hindi naman prayoridad kumpara sa palikuran, mas inuuna pa nilang bumili ng cellphone na halos limang doble ang halaga ng presyo kesa magpagawa ng simpleng palikuran.

Nagagawa nilang makipag-inuman, araw-araw, makabili ng mga usong damit o makapagsugal pero hindi nila naiisip na magpagawa ng palikuran at ang resulta, nagkalat ang sakit at ang gobyerno na naman ang may kasalanan.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page