Pagsibak kay VP Leni, pantakip sa kapalpakan ng SEA Games
- BULGAR

- Nov 26, 2019
- 1 min read
Kasabay ng mga kontrobersiyang nagaganap sa 30th Southeast Asian Games, sinibak naman ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice-President Leni Robredo bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Hindi tuloy maiwasang magkomento ng iba na tila isa itong diversionary tactic o paraan upang mailipat ang atensiyon ng publiko mula sa mga kapalpakan sa hosting ng Pilipinas sa Sea Games.
Matatandaang, umpisa pa lang ay sinalubong na tayo ng reklamo dahil sa umano’y hindi maayos na transportation, accommodation at food arrangements na dinanas ng mga atleta mula sa iba’t ibang bansa.
Agad namang sinagot ng Palasyo na ang pagsibak kay VP Robredo ay sanhi ng kabiguang makapagprisinta kay Pangulong Duterte ng malinaw na mga plano at programa para sa war on drugs.
Nakakagulat na tatlong linggo pa lang ang bise-presidente ay sinibak na ito sa drug war. Hindi tuloy mapigilang maitanong kung may kinalaman ba ang paghingi nito ng listahan ng mga ‘high value target’ sa drug war o kung may itinatago ba ang administrasyong Duterte na hindi niya dapat malaman at mabulgar?
Gayunman, wala namang magagawa ang kahit sino dahil nasa kapangyarihan ni Pangulong Duterte kung sino ang gusto niyang sibakin at kung anumang oras niya ito naisin.
Pantakip man o nagkataon lang, sa palagay natin ay wala itong magagawa sa tindi ng pagbabantay ng taumbayan, netizens at mga magkakalaban sa politika kasama na ang kani-kanilang supporters.
Halos walang maitatago sa social media, bawat isyu ngayon sa ginaganap na Sea Games ay bantay-sarado, may katapat na larawan o video, huwag lang mahaluan ng fake news.
Kumbaga, hindi na basta makakalusot ang kapalpakan at sa huli, kailangang may managot kung mapatutunayang sumablay.





Comments