top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Level-up na rin ang mga manloloko, kaya dapat alam mo ‘to... Mga usong scam ngayong pasko

  • Jersy Sanchez
  • Nov 26, 2019
  • 3 min read

Tuwing malapit na ang Pasko, lalong dumarami ang masasamang- loob na nananamantala sa ating mga kababayan na gustong mag-enjoy at tumulong sa mga nangangailangan.

Anu-ano nga ba ang mga scam na kadalasang ginagawa ng mga ito para makapanloko at paano makakaiwas sa kanila?

1. PHISHING SCAM. For sure, hindi pamilyar ang term na ito, pero marami nang nabiktima nito. Nagpapakalat ng mga e-mail o pekeng website ang mga scammers at kadalasan nilang ginagamit ang mga e-mail at URL na pamilyar sa mga target nila. Hihingin nila ang iyong card information, bank details at password, gayundin, ang iba pang mahahalagang impormasyon at dahil mukhang legit ang website, maraming nabibiktima.

Paano maiiwasan ito? Huwag magbigay ng kahit anong personal na impormasyon, lalo na sa mga credit cards at banking details. Tandaan, ang lehitimong bangko ay hindi nag-i-e-mail para manghingi ng mga detalye. Gayundin, siguraduhin na may “padlock” symbol ang website na pinupuntahan mo para makasiguradong secured ito.

2. ONLINE SHOPPING SCAM. Napakarami nang nahuhumaling sa online shopping kaya siguradong hindi ito palalampasin ng mga kawatan. Madalas nilang target ang mga shoppers na nagmamadaling makabili ng “rare” items, gayundin, kadalasang nanghihingi ng full payment ang mga scammers at kapag naipadala na ang bayad, hindi mo na sila makokontak. Para makaiwas, huwag magpadalus-dalos sa pagbili ng mga items sa internet. Ugaliing itsek kung katiwa-tiwala ang shopping site at may magandang reputasyon. Paano? Tingnan ang mga review at kapag puro reklamo ang laman nito, maaaring scam lang ito.

3. FAKE CHARITY. Dahil ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan, mas maraming tao ang magdo-donate at tumutulong. Pero ang masaklap, ‘yung donasyon na akala mo ay mapakikinabangan ng mga nangangailangan ay mapupunta lang sa kamay ng mga manloloko.

Tsk! Kadalasan, magpapadala sila ng e-mail gagamit ng pekeng charity organization website para makahingi ng donasyon thru bank transfer. At kapag nahingi na ang bank details mo, tiyak na maaari pa nila itong gamitin para makakuha ng mas malaking halaga sa iyo. Kung gusto mong makasigurado na makararating ang iyong tulong sa mga nangangailangan, piliin ang charity organizations na may magandang reputasyon o ikaw mismo ang mag-abot ng tulong sa mga pamilyang walang tirahan sa pamamagitan ng pagbibigay ng grocery items.

4. ONLINE INVESTMENT SCAM. Siguradong pamilyar na kayo rito at ang madalas na nabibiktima ay ‘yung mga desperadong yumaman. Mga besh, oks lang naman magpayaman, pero dapat nating tandaan na ang pagpapayaman ay hindi madali dahil dapat itong paglaanan ng oras at pagod. Kapag may nag-offer sa inyo ng mabilis na paraan para yumaman, naku, mag-isip-isip na kayo, mga besh. Bagama’t, may mga legit na online investments, dapat kang maging maingat sa pag-i-invest dahil kaunti lang ang mga legit.

5. HOTEL BOOKING SCAM. Sa panahong ito, dumarami ang nagbabakasyon kaya napakaraming nagkalat na mga online hotel booking scammer. Sa dami ng gustong magbakasyon kung saan karamihan sa kanila ay nagmamadaling makapag-book, mataas ang tsansa na maraming maloko ang mga ito. Para makaiwas, ugaliing itsek ang website ng booking site ng inyong makakatransaksiyon. Gayundin, alamin kung secured ang kanilang website at ang mga mode of payment. Huwag ding kalimutan na tingnan ang reviews. Okie?

Sabi nga nila, nasa huli ang pagsisisi kaya anumang panahon, ugaliin nating maging alerto at mapagmatiyag. Para makaiwas sa mga nabanggit na scam, ibahagi ito sa inyong mga kapamilya at kaibigan nang walang pera na masayang sa inyo.

Gets mo?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page