Hindi raw nag-iintrega.. 21 sabungero, ipinakulong ng mga misis

Huli ang 21 katao na inaresto sa ilegal na sabungan sa Imus, Cavite.
Ayon sa ulat ng GMA News, pawang mga asawa ng mga sabungero ang nagsumbong sa mga pulis tungkol sa ilegal na sabungan sa lugar.
“Nagrereklamo na nga ‘tong mga asa-asawa nila dahil nga kung minsan imbes na ibigay sa kanila ‘yung pera, ginagamit lang sa sugal,” ani Police Colonel Jun Alamo ng Imus Philippine National Police (PNP)
Batay sa imbestigasyon, sinugod ng mga nakasibilyang pulis ang sabungan na nasa Bgy. Pasong Buaya na nasa isang bakanteng lote.
Nakumpiska sa sabungan ang mga perang pangtaya, tari at mga manok na panabong.
Agad namang nakalabas ng himpilan ng pulisya ang mga sabungero matapos magpiyansa.
“Eh, sa mga tupada, sir, during weekends maliwanag po ang ating instructions diyan, lahat ng tupada magkaroon ng intensified police operations para maitigil na,” sa panayam kay Police Colonel Marlon Santos ng Cavite PNP.





Comments