Gadget muna bago pambili ng inidoro, ugaling Pinoy
- Ryan B. Sison
- Nov 25, 2019
- 2 min read

Hanggang ngayon ay isyu pa rin ang kawalan ng palikuran ng ating mga kababayan.
Batay sa tala ng DOH, sa mahigit 42,000 barangay sa bansa, 4,625 lang ang may sariling palikuran at marami pa ring dumudumi kung saan-saan.
Meron sa ilog, sapa at meron ding dumudumi sa supot at isu-shoot sa basurahan o ibabato sa ilog ‘pag nakaraos na.
Sa isa pang report noong 2017 ng Philippine National Demographic and Health Survey, 4.5% ng mga Pinoy ang walang banyo at wala nang balak magpagawa nito kaya ang nakasanayang pagdumi kung saan-saan ay nagpapatuloy.
Gayunman, merong mga banyo na hindi pa tapos kaya parang dumudumi pa rin ang mga ito sa open na lugar.
Hirit ng DOH, marami sa mga Pinoy ang may kakayahang bumili ng cellphone o gadget, pero hindi kayang magpagawa ng banyo.
Bagama’t, may mga inidoro na nagkakahalagang P1, 200 o mas mababa pa, hindi nila nagagawang bumili dahil tila prayoridad ang gadget na nasa P1,600 o higit pa.
Sa totoo lang, ang problema sa atin ay wa’ paki sa pang-araw-araw na pangangailangan at panganib na magkasakit, makabili lang ng bagay na hindi naman kailangan o makapag-”flex” lang. Tsk!
Ang pagkalat ng mga sakit tulad ng polio, cholera, diarrhea, typhoid fever at Hepatitis A ay nakukuha sa dumi ng tao.
At dahil kung saan-saan dumudumi, kumakalat ang mikrobyo — maaaring mahawakan ng bata, maisalin sa kontaminadong tubig na iniinom at kung anu-ano pa.
Kalinisan ng kapaligiran ang kailangan para hindi kumalat ang mga sakit at ang pagkakaroon ng sariling palikuran ang isa sa mga hakbang dito.
Bagama’t, tungkulin ng lokal na pamahalaan na siguraduhing malinis ang kanilang nasasakupan, reponsibilidad naman ng mamamayan na maging malinis sa kani-kanilang tahanan.
Kung afford ninyong bumili ng gadget, mabuti para sa inyo, pero hindi ba, mas mabuti kung ang perang gagastusin para sa gadget ay ilaan na lang sa bagay na maaaring makatulong sa araw-araw na pamumuhay?
At kapag nagkasakit, ‘wag isisi sa lokal na pamahalaan dahil kung tutuusin, ito ang resulta ng ating kapabayaan at walang dapat sisihin kundi tayo rin.
Paalala sa lahat, bigyang-pansin ang kalinisan at isantabi muna ang bagay na hindi naman kailangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments