Cue artist Chua, pambato sa SEAG, pasok sa q’finals

Maaliwalas na natumbok ng pambato ng Pilipinas sa nalalapit na Southeast Asian Games na si Johann “Bad Koi” Chua ang landas papunta sa quarterfinals matapos daigin si Jui An Hsu, 11-3 sa patuloy na umiinit nang bakbakan ng 2019 All Japan Championships sa Archaic Hall ng Hyogo, Japan.
Hindi naman nagpaiwan ang kapwa Pinoy na si Anton “The Dragon” Raga nang ilampaso niya ang pambato ng Taiwan na si dating World 10-Ball champion Pin Yi Ko, 11-2, sa kanilang round-of-16 na duwelo at ngayon ay kaagapay niya ang 2017 All Japan runner-up na si Chua sa pagpapatingkad ng tatlong kulay ng Pilipinas sa malupit na paligsahang sinalihan ng mga de-kalibreng cue artist mula sa iba’t-ibang parte ng mundo kagaya nina Thorsten Hohmann ng Germany, Finland ace Mika Immonen, Singaporean Aloysius Yap at ang 2018 World 9-Ball runner-up Carlo “The Black Tiger” Biado.
Si Biado, pang-apat sa WPA ranking at pang-sampu sa World Fargo roster at sasabak din sa SEA Games sa susunod na buwan ay sa round-of-32 lang umabot matapos itong makipagbuno sa sore eyes.
Ito na ang panglimang panalo ni Chua sa torneo. Maliban sa nabiktima niyang si Hsu, nasikwatan din ng puntos ng Pinoy, kasalukuyang pang-14 sa World Pool Billiards Association (WPA) ranking sina Raymond Faraon, 11-6 (round-of-32); Liu Ri Teng, 11-6 (round-of-64); Ip Tung Pong, 9-7 (elims) at Toshiyuki Haraguchi, 11-6 (elims).
Sa kabilang dako, kasama naman sa mga naturuan ng leksyon ni Raga, ang Cebuanong sumegunda kamakailan sa maigting na 2019 China 9-Ball Open at kasalukuyang pinakamataas na Pinoy sa World Fargo rankings dahil sa pag-upo niya sa pang-anim na puwesto, si Isao Yuyama, 9-5 (elims), Toshiyuki Wada, 9-2 (elims); Wu Jiaqing, 11-10 (round-of-32); at Masato Asano, 11-7 (round-of-64).





Comments