Romero ng PH team, handa na sa SEAG polo event
- Gerard Arce
- Nov 24, 2019
- 2 min read

Sasabak na ang mga royalties at mga kagalang-galang na ginoo kaantabay ang kani-kanilang matitikas na mga kabayo para sa pagsisimula ng kampanya ng Polo 0-4 goals event sa 30th Southeast Asian Games ngayong araw, Linggo sa Bamboo Pavillon sa Miguel Romero field sa Calatagan, Batangas.
Isa ang larong Polo sa 56 na sports na kabilang sa mga unang sasalang bago ang pormal na opening ceremonies sa Nob. 30, Sabado sa Philippine Arena sa Marilao, Bulacan.
Apat na bansa ang maglalaban-laban, na bukod sa Pilipinas ay susubukang idepensa ng Malaysia ang titulo kasama ang 2017 meet bronze medalist na Brunei at Singapore para sa dalawang gold medal.
Hindi maitatangging ang Polo ay laro ng mga matataas na uri ng mga tao, higit pang nagpamahal dito ay ang mga dekalibreng kabayo, ngunit sa larong ito ay hindi agad masasabing may bentahe ang sino man sa isa’t isa lalo pa’t pahusayan pa rin ang labanan ng bawat koponan. “That’s certainly going to happen because everybody is holding their cards close to their chests. Our rivals are tough but we are prepared for the challenges that will come our way,” pahayag ni Rep. Mikee Romero ng Team Philippines. “But whatever happens, we have to cherish this moment since this is the first time in decades that we have this kind of tournament of this magnitude,” dagdag nito na sasalang sa Dis. 3.
Asam ng pamunuan ng Philippine National Federation of Polo Players (PNFPP) na makamtan nito ang gintong medalya na pursigidong nag-ensayo sa labas ng bansa partikular na sa Buenos Aires sa Argentina. Makakasama ni Romero sa koponan sina Gus Aguirre, Tommy Bitong, Jay de Jesus, Jam Eusebio, Anthony Filamor, Coco Garcia, Santi Juban, Ed Lopez, Marty Romualdez, Tonio Veloso and Noel Vecimal na mamanduhan Asia’s best Anthony Garcia kasama si Lope Juban bilang team manager.





Comments