Mga requirements para sa pension loan program ng SSS
Buti na lang may SSS

Dear SSS, Magandang araw! Nais kong malaman kung ano ang mga requirements para sa mga gustong mag-loan sa Pension Loan Program. Retiree-pensioner ang tatay ko. Thank you! — Lester
Sagot Mabuting araw sa iyo, Lester! Sa mga gustong manghiram sa ilalim ng Pension Loan Program (PLP), maaari silang magtungo sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Magsumite lamang ng pinunuang PLP Application Form at mag-present ng valid ID cards tulad ng UMID, senior citizen, passport o Postal ID. Magsasagawa naman ng eligibility check ang SSS para malaman kung qualified ang mga ito sa PLP. Kung kuwalipikado, bibigyan sila ng Union Bank Cash Card o Quick Card kung saan dito ike-credit ang kanilang loan proceeds sa loob ng limang araw.
Ang halaga ng maaaring hiramin ng retiree-pensioner ay batay sa halaga ng tinatanggap na Basic Monthly Pension kasama ang P1,000 na karagdagang benepisyo. Maaaring makautang ng katumbas ng halos 12 buwan ng kanilang pensiyon o hanggang sa pinakamataas na loanable amount na aabot sa P200, 000. Maaaring mamili rin ng halaga ng uutangin ngunit, hindi lalagpas sa P200, 000. Ang utang ay maaaring bayaran ng hanggang 24 months o dalawang taon.
Ang mga retiree-pensioners na nais mag-apply sa nasabing programa, dapat hindi lalampas sa 85 taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang. Ang pinagsamang termino ng pautang at edad ng pensiyunado sa petsa ng aplikasyon ay hindi dapat lalampas sa 85 taon. Ito ay dating 80 taong gulang na pinalawig pa ng SSS hanggang 85 taong gulang upang makatulong pa sa mas maraming pensiyunado. Dapat din ay walang ibinabawas sa kanilang buwanang pensiyon tulad ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya ay sobrang benepisyong binayaran ng SSS. Kasama rin dito ang mga pensiyunadong walang paunang pensiyon na tinatanggap sa ilalim ng SSS Calamity Package. Kailangan din na ang pensiyunado ay tumatanggap na ng regular na pensiyon na hindi bababa sa isang buwan.
Samantala, kung ang pensiyonado naman ay kumuha ng 18-month advance pension, siya ay dapat nakatatanggap na ng kanyang regular na pensiyon na hindi bababa sa isang buwan. Hindi naman kasali rito ang mga retiradong pensiyunado na nasa ilalim ng Portability Law at nasa pangangalaga at kustodiya ng isang guardian.
Kung mayroon man kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong topic na nais matalakay sa kolum na ito, maaari ninyo kaming i-email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.





Comments