Mga Pinoy sa HK, ‘wag munang mag-itim o puti para hindi madamay sa gulo
- Nancy Binay
- Nov 24, 2019
- 2 min read
Nancy Binay / Be Nice Tayo
Hindi kaila sa ating lahat ang ilang buwan nang protesta sa Hong Kong at parang walang indikasyon na titigil na ito sa lalong madaling panahon. Kaya naman, nananawagan tayo sa mga concerned agencies ng ating pamahalaan, lalo na sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Labor Office (POLO) para manatiling nakahanda ang kanilang contingency measures at repatriation plans sakaling tumaas pa lalo ang tensiyon sa nasabing teritoryo.
May nakarating sa atin na balitang may mga employers na nag-terminate na ng kontrata ng mga household service workers. Habang umaasa tayong isolated cases lamang ito, nais pa rin nating maging handa tayo sa anumang maaaring mangyari sa ating mga kababayan sa Hong Kong.
Alam nating patuloy na nagmamatyag ang ating konsulado sa Hong Kong at nakahandang tumulong sa ating mga kababayan doon. Tayo naman sa Senado ay handa ring tumulong upang garantiyahan ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga kababayan doon.
Patuloy din tayong nakikiusap sa ating mga kababayan sa Hong Kong na manatiling kalmado at pansamantalang huwag magsuot ng puti o itim na kasuotan upang hindi maipit sa kaguluhan.
◘◘◘
Isang kababayan natin ang naging nominado sa international award sa London.
Siya ay si Reymond “Rey” de Jesus, na nominado sa Community Employee of the Year ng Investors in People Award.
Si Rey ay nagtuturo sa mga streetchildren na nakatira sa Manila North Cemetery sa Sta. Cruz, Manila tuwing Sabado. Naging paaralan ang sementeryo dahil na rin sa mga gurong tulad ni Rey. Ito ay parte ng kanyang volunteer work para sa literacy program ng ATD Fourth World Philippines, NGO na nagsusulong ng edukasyon at human rights.
Ipagpatuloy mo, Rey, ang iyong nasimulan at nawa ay dumami pa ang tulad mo!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments