top of page

Maraming tanong na wala pa ring kasagutan, ang tunay na ‘kristong hari’ lang ang makakasagot

  • Fr. Robert P. Reyes
  • Nov 24, 2019
  • 2 min read

Ipinagdiriwang natin ngayong linggo ang kapistahan ng Kristong Hari at kaugnay nito, nais nating magtanong, “bakit hindi maintindihan ng marami ang maraming bagay sa ating bansa?”

Una, bakit kailangang mag-angkat ng bigas, samantalang, nasa atin ang sentro ng pag-aaral hinggil sa palay, ang International Rice Research Institute o IRRI?

Pangalawa, bakit sa kabila ng ating pagiging bansang mayaman at mabunga ang lupa, hindi pa rin prayoridad ang agrikultura?

Pangatlo, bagama’t, merong mga batas na naglalayong protektahan ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng mahigpit na mga patakaran ng Land Conversion, bakit parami nang parami ang mga malls, subdivision, team at industrial parks?

Pang-apat, bakit sa kabila ng pagkakaroon ng IPRA o Indigenous People’s Rights Acts of 1997, patuloy pa rin ang panghihimasok ng mga kumpanya ng minahan at sari-saring negosyong sumisira sa mga kabundukan at umaagaw sa mga idineklara nang ancestral domains?

Panlima, sa kabila ng ating paglaya sa mga mananakop mula sa mga Kastila hanggang sa mga Amerikano, Hapones at kapwa Pilipino noong diktaduryang Marcos, bakit narito na naman ang mga Chinese na malayang nakapagnenegosyo sa iba’t ibang paraan? Bakit pinapayagan ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), samantalang, bawal ang ganito sa China?

Pang-anim, bakit hanggang ngayon ay wala pa ring linaw sa nais gawin ng pamahalaan hinggil sa problema sa ilegal na droga, pagkatapos hamunin at ibigay kay VP Leni Robredo ang pagiging co-chairman ng Inter Agency Committee on Illegal Drugs (ICAD)?

Pampito, bakit hirap magpasya ang Korte Suprema sa malinaw na pagkapanalo ni VP Leni at ang napakalinaw na pagkatalo ni ex-Sen. “Bongbong” Marcos?

Pangwalo, bakit sa kabila ng kawalan ng malinaw at matibay na ebidensiya laban kay Senadora Leila de Lima, hindi pa rin umuusad ang kaso ng pagkakasangkot nito kaugnay sa ilegal na droga?

Pangsiyam, bakit sa kabila ng pagkakaroon ng pondo para sa kalusugan, patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng kaso ng HIV, dengue at muli pang bumalik ang polio?

Pangsampu, pagkaraan ng tatlong taon, ano ang nangyari sa ipinangakong lulutasin ang matinding trapik?

Kung tunay na magaling ang lider ng bansa, bakit tila hindi na matapus-tapos ang napakaraming problema na kailangang harapin at lutasin?

Nang minaliit at nilait-lait ang kakayahan ni VP Leni na lutasin ang problema sa droga, maikli at simple lang ang kanyang sagot. “Kung makaliligtas ako kahit isang buhay lang, gagawin ko ang lahat, mangyari lang ito.” Walang pagmamalaki at pagmamayabang ang sagot ni VP Leni. Ganito ang sagot ng kumikilala sa tunay na kapangyarihan at karunungan, hindi ang sarili kundi ang lubos at walang hanggang kapangyarihan at karunungan ng Diyos at kanyang anak, si Kristo, ang Hari ng mga Hari.

Sa marahan at mahinahong pananalita ni VP Leni, makikita natin ang ibig sabihin ng pamumuno at paglilingkod na malinis at may kababaang-loob.

At ngayong kapistahan ni Kristong Hari, muli tayong bumalik sa mapagkumbaba at lubos na nagtitiwalang pang-unawa, pagkilala at pagsunod sa dakila at banal na kalooban ni Kristo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page