top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg

4,621 pasaway na driver, nasampulan, walang sinanto!

  • Ryan B. Sison
  • Nov 24, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Matapos makonsumi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sobrang dami at sunud-sunod na malalagim na aksidente sa kalsada dahil sa mga paglabag sa batas-trapiko, pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang operasyon.

Kamakailan, ikinasa ng ahensiya ang one-time bigtime operation para mahuli ang mga pasaway na lumalabag sa batas-trapiko sa buong bansa.

Batay sa tala ng LTO hanggang alas-11:00 ng gabi ng Biyernes, may kabuuang 4, 621 ang nahuling drayber dahil sa iba’t ibang paglabag sa mga batas-trapiko sa bansa.

Ayon sa ahensiya, pinakamarami ang lumabag sa Republic Act (RA) 4136 o Land Transportation and Traffic Code dahil walang plaka, walang rehistro at marami pang iba. Ikalawang traffic violation, ang hindi paggamit ng seatbelt kung saan nasa 1, 358 ang nahuli at 900 motorcycle riders naman ang walang helmet.

May mga natiketan din dahil sa paglabag sa anti-distracted driving o paggamit ng cellphone habang nagmamaneho o may mga gamit na nakaharang sa dashboard ng kotse.

Bukod pa rito, tatlong lasing na nagmamaneho ang nahuli habang nasa 97 naman ang lumabag sa RA 10666 o Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015.

Kabilang sa mga nahuli ang dalawang pulis at kawani ng Bureau of Jail Management and Penology na nakamotorsiklo at walang suot na helmet.

Tabla-tabla raw muna dahil walang pinapaboran ang ahensiya at kailangang managot ang mga pasaway na motorista kapag napatunayang lumabag ito.

Paalala sa lahat, kapag natiketan dahil lumabag, huwag sumama ang loob dahil kung tutuusin, ginagawa ito ng pamahalaan para sa ating kapakanan.

Gayundin, sana ay magsilbi itong leksiyon sa mga kababayan natin na huwag dedmahin ang ipinatutupad na mga batas-trapiko, lalo na ‘yung mga alagad ng batas dahil kung sila mismo ay lumalabag, sino ang tutularan ng publiko?

Maging mabuting ehemplo tayo sa bawat isa — kapag nakaengkuwentro ng simpleng paglabag tulad ng hindi pagsusuot ng seatbelt o helmet, sitahin at huwag kunsintihin.

‘Yung mga ganitong bagay ay hindi na dapat paabutin pa sa awtoridad dahil kaya natin itong itama kahit walang ticket o bawian ng lisensiya.

Huwag nating hintaying dumami ang mga kababayan nating binawian ng buhay dahil sa kapabayaan ng mga pasaway kaya sana, ngayon pa lang ay maging maingat na tayo.

Ang pagsunod sa batas ay maaaring magligtas sa atin sa pagkakasangkot sa aksidente pagdating ng panahon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page