Sen. De Lima, natutong magdasal mula nang makulong
- Fr. Robert Reyes
- Nov 23, 2019
- 2 min read
Ika-1,000 araw ng pagkakakulong ni Senadora Leila de Lima ang minarkahan noong nakaraang Miyerkules. Isa siya sa mga ginigipit at pinatatahimik ng kasalukuyang administrasyon.
Sa buhay, hindi sapat ang salita at panalangin, kailangan itong tumbasan ng gawa o pagkilos. Kapag tayo ay kumikilos, tiyak na papawisan tayo. Ito ang inialay ng 500 kalahok ng Indignation Run, One K Not Ok noong Miyerkules.
Kung iisipin, tayong malaya, kung minsan ay nakararamdam ng panghihina, kawalan ng pag-asa, galit, lungkot, unti-unting paglaho ng lakas at sigla ng isip, puso, diwa at katawan — paano pa silang mga nakulong nang 1,000 araw? Tao lamang ang senadora, hindi siya robot o bakal upang hindi tablan ng anumang masasamang salita na ipinupukol sa kanya ng mga taong mapanghusga.
Sa kabila nito, siya ay may espiritung bukas, kumakapit at umaasa sa Diyos.
Narito ang diwa ng ating panalangin para kay Sen. De Lima at sa bawat mamamayang Pilipino. “Mahal tayo ng Diyos, hindi Niya tayo pababayaan. Meron Siyang ginagawa — gagawin na maaaring hindi natin nakikita at lubos na nauunawaan sa ngayon. Kailangan nating magtiwala sa pagkilos at biyaya ng Kanyang espiritu.”
Araw-araw, mula alas-6:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng umaga kinabukasan, nag-iisa sa kanyang kulungan si Sen. De Lima.
“Natuto akong magdasal, makinig at makipag-ugnayan sa Diyos. Lumalim ang aking pananampalataya. Ang Diyos ang aking naging liwanag, lakas at pag-asa,” ito ang madalas niyang ibahagi sa amin tuwing dumadalaw kami sa kanya.
Tayo ay tumatakbo sa Panginoon upang labanan ang ating panghihina, takot, kawalan ng pag-asa at tiwala sa sarili man o sa kapwa.
Noong Miyerkules, tumakbo tayo upang hingin na puspusin tayo ng banal na espiritu ng Diyos. At nawa’y tulad ni Sen. De Lima, hindi tayo manahimik, matakot at ipagpatuloy ang pagtutol at paglaban sa anumang pang-aabuso at paglabag ng karapatang-pantao lalo na ng mga inosente at karaniwan nating mga kababayan.
We will run. We will resist. Tatakbo at patuloy tayong tututol upang iwaksi ang anumang kasinungalingan, labanan ang kawalan ng katarungan, itigil ang patayan, labanan ang panggigipit, tutulan at labanan ang pananakop ng China, tutulan at labanan ang ilegal at imoral na kontrata ng Kaliwa Dam at iba’t ibang pagwasak sa kapaligiran at kalikasan.
Ipagtatanggol at ipaglalaban natin ang mga inosente tulad ng mahal nating si Sen. De Lima. Gagawin natin ito dahil mahal natin ang ating mga kababayan, ang ating bansa.





Comments