Pakikisawsaw ni Mayor Vico sa gulo ng RFC at Unyon, sablay, tagilid makasuhan
- Pabs Hernandez III
- Nov 23, 2019
- 2 min read
PAGKILING NI MAYOR VICO SA MGA STRIKERS, SABLAY—Binalaan ni DILG Sec. Eduardo Año si Pasig City Mayor Vico Sotto na posibleng maharap ito sa administrative case kung patuloy itong makikialam sa problemang kinahaharap ng management ng Regent Foods Corporation (RFC) at unyon ng kumpanya dahil ang Department of Labor and Employment (DOLE) umano ang dapat lumutas sa hidwaan ng magkabilang-panig at ang tanging papel lang daw ng local government unit (LGU) ay magpairal ng peace and order.
Kung ganu’n, sablay pala ang ginawang pagkiling ni Mayor Vico sa mga unyonista at pananakot at banta ng alkalde na palalayasin sa lungsod ang RFC, boom!
◘◘◘
MARAMING KABABAYAN NI MAYOR VICO ANG MAWAWALAN NG TRABAHO KAPAG UMALIS SA PASIG ANG RFC—Wala raw plano ang RFC management na sundin ang utos sa kanila ni Mayor Vico na iatras ang kaso laban sa 23 strikers dahil sa pamemerhuwisyo raw na ginawa ng mga ito at mas gusto raw nilang pinangangalagaan ang seguridad sa trabaho ng mahigit 400 manggagawa na hindi sumama sa welga.
Aba, sa isyung ‘yan, dapat mag-isip-isip si Mayor Vico kasi kaunti lang pala ang bilang ng mga strikers at mas maraming taga-Pasig na nagtatrabaho sa RFC ang posibleng mawalan ng trabaho kapag nagsara at lumipat ng ibang lugar ang kumpanyang ito, period!
◘◘◘
KAPAG MAY KO-RUPSIYON SA SEA GAMES, TAGA-PHISCOG, YARI KAY SEN. GO—Tiniyak ni Sen. Christopher “Bong” Go, chairman ng Senate Committee on Sports na paiimbestigahan niya at mananagot ang sinumang mapatunayan na may ginawang korupsiyon sa pondo ng bayan na inilaan sa SEA Games.
Dahil d’yan, dapat tiyakin ni Speaker Alan Peter Cayetano at mga tropa niya sa PHISCOG (Philippine SEA Games Organizing Committee) Foundation, Inc. na walang magaganap na korupsiyon sa SEA Games funds kasi kapag meron, lagot sila kay Sen. Go, abangan!
◘◘◘
ILLEGAL TERMINAL, BALIK NA NAMAN SA LAWTON, MANILA—Balik na naman daw ang raket na illegal terminal ni “Ligaya” sa Plaza Lawton sa Maynila na nagresulta upang magkatrapik uli sa lugar na ito.
Naku, kapag napadaan si Mayor Isko Moreno riyan at nakitang ginagawang paradahan na naman ng mga UV Express, taxi at jeep ang lugar na ‘yan, siguradong may “paglalagyan” sa alkalde ang “Ligaya” na ito, period!





Comments